Emosyonal ang pre-wedding photoshoot ng isang bride, dahil isinama niya rin sa kaniyang kasal ang dalawang yaya na nagpalaki sa kaniya at sa kaniyang mga kapatid na nagsilbing pangalawa nilang ina. Ang mga yaya, hindi na bumuo ng sarili nilang pamilya.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang bride na si Sophia Santamaria, na inalagaan nina Yaya Agnes Pineda at Yaya Emma Centino.
Halos buong buhay na ni Sophia na kasa-kasama niya ang kaniyang mga yaya.
“When I saw Yaya Ag, I remembered growing up when I was a kid, they were caring for us as their own,” ani Sophia. “Sila talaga 'yung umaasikaso sa atin to wake up early and then to make us food.”
Bago pa ipanganak si Sophia, namamasukan na sa kanilang pamilya si Yaya Agnes, taga-Iloilo, noon pang 1996.
“Tapos sabi ng mommy niya, ‘Wag ka nang umalis ha, huwag mo akong iiwan ha.’ Ako na nagbantay kay Sophia. Mga two years old, makulit nga eh. Hindi naman siya mahirap alagaan. Mahirap lang siya ‘pag pakainin mo 'yan, ‘pag magpapaligo, tapos matulog katabi naman namin,” ani Yaya Agnes.
Si Yaya Agnes na rin ang nagturo sa apat na magkakapatid ng mga gawaing bahay.
“Sobrang pasaway po kami when we were kids. So she would always make sure na, you know, we're in line and like we can get everything done and do well,” sabi ni Sophia.
Madalas na hinahanap-hanap ni Sophia sa kaniyang Yaya Agnes ang mga luto nito, lalo na ang sinigang na baka.
Hindi itinuring na iba ng pamilya ni Sophia si Yaya Agnes.
Pansamantalang tumira ang kanilang pamilya sa Connecticut sa Amerika noong 2002, at isinama nilang lumipad si Yaya Agnes.
Taong 2003 naman nang namasukan sa pamilya nina Sophia si Yaya Emma, taga-Negros Occidental.
Mabilis namang napalapit ang loob ni Yaya Emma kay Sophia, na mistulang prinsesa ng pamilya.
“Hindi siya makulit, mabait, at saka tahimik lang 'yan,” sabi ni Yaya Emma tungkol kay Sophia.
Si Yaya Agnes ang nagsilbing “reyna” o cook sa kusina, habang si Yaya Emma naman ang nag-aasikaso sa paglalaba.
“If you just say, ‘Itong shirt na ‘to,’ and then five minutes later, nandiyan na siya. Yeah, so parang alam niya lahat inside-out. So we know that we can count on her,” kuwento ni Sophia tungkol kay Yaya Agnes.
Sa likod nito, walang mga sariling pamilya sina Yaya Agnes at Yaya Emma. Kaya naman iginugol na lamang nila ang kanilang oras, atensyon, at pagmamahal kay Sophia at sa mga kapatid nito.
Tumandang dalaga si Yaya Agnes, matapos itinuon ang sarili sa pagtatrabaho para sa kaniyang pamilya na naiwan sa Iloilo.
“Tumutulong naman ako sa mga pamangkin ko, tapos sa mga kapatid ko, nagbibigay naman ako. Nagsumikap ako para sa kanila,” ani Yaya Agnes.
Si Yaya Emma naman, nag-asawa, pero maagang nabiyuda.
“Wala akong anak, dito ko na lang binuhos sa kanila ang akong isip,” sabi ni Yaya Emma, na inilalaan ang kaniyang kita sa pag-aaral ng mga pamangkin at apo.
“Super thankful po ako sa lola ko po kasing palagi po siyang andiyan para sa amin. And kahit hindi naman niya po obligasyon, magbibigay po siya ng tulong,” sabi ni Ica Rafil, apo ni Yaya Emma.
“Hindi ko gustong magtrabaho sila na ganitong trabaho,” sabi ni Yaya Emma tungkol sa kaniyang mga pamangkin at apo.
Paglalarawan naman ni Yaya Emma sa pamilya ni Sophia, “Isang pamilya ang turing namin sa kanila. ‘Pag sila rin, parang pamilya rin ang turing nila sa amin.”
Lumipas ang mga panahon, at hindi namalayan nina Yaya Agnes at Yaya Emma na malaki na at ikakasal na ang dating bulinggit nilang alaga na si Sophia.
“Naghalo ang saya at lungkot. Tapos nakita namin siya naglalakad. Parang diyosa na siya. Marami nga ang nagsabi, ‘Ang ganda naman ng bride!’ Siyempre, alaga namin ‘yan!” pagmamalaki ni Yaya Agnes.
Tunghayan sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang madamdaming mensahe nina Yaya Agnes at Yaya Emma sa ikinasal nang si Sophia, at ang mensahe naman ng pasasalamat naman ni Sophia sa kanila na nagsilbi na rin niyang mga pangalawang ina. – FRJ GMA News
