Buong puwersa ang cast ng Cinemalaya entry na “2 Valid IDs” sa ginanap gala screening kamakailan sa Mandaluyong. Ang bida nitong si Pokwang, nagpasalamat sa mga positibong review.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing present din ang ibang cast members gaya nina Joey Marquez, Mae Bautista at iba pa.
Namataan din sa screening ang ilan pang personalidad tulad ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee.
Nagpadala si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ng flowers kay Pokwang bilang pagbati.
“Natutuwa naman ako kasi bukod sa maganda ‘yung proyekto, makatotohanan, marami naka-relate. Meron tayong mga nagising. Sana makatulong po talaga itong pelikulang ito para mabago na ‘yung sistema, lalong-lalo na para sa ating mga maliliit na kababayan,” reaksyon ni Pokwang sa magagandang review sa kanilang pelikula. – Jamil Santos/FRJ GMA News
