Hindi bababa sa 111 katao ang nasawi matapos tumama ang isang malakas na lindol sa kanlurang bahagi ng Colombia nitong Lunes. Gumuho ang mga gusali sa ilang lungsod, napinsala ang mga ospital at imprastraktura, at may mga taong na-trap sa ilalim ng mga guho sa sinasabing pinakamalakas na lindol na tumama sa bansa makaraang ang isang siglo.

Nangyari ang paglindol ilang araw lamang matapos manumpa bilang pangulo si Abelardo De La Espriella, dahilan upang harapin agad ng bagong administrasyon ang isang napakalaking krisis. Sariwa pa rin ang alaala ng mapaminsalang magkakasunod na lindol sa kalapit na Venezuela noong Hunyo.

"The national government has all of its capabilities deployed to protect lives, assist affected communities and deliver aid wherever it is needed," saad niya sa national address kasunod ng pagdeklara ng national state of emergency.

"The first priority is rescuing the people trapped under the rubble," pagdiin ng pangulo.

Ayon kay De La Espriella, batay sa mga paunang ulat, 111 katao na ang nasawi at 87 ang nasugatan. Dose-dosenang gusali rin ang gumuho at maraming bahay ang napinsala.

Lumitaw sa US Geological Survey na magnitude 7.4 ang tumamang lindol na nasa lalim na 107 kilometro (66 milya). Sinabi naman ng Colombian Geological Service na ito ang pinakamalakas na lindol na naitala sa bansa sa 21st century.

Naantala ang mga ulat mula sa Choco, na malapit sa epicenter, dahil sa pagkawala ng komunikasyon. Ilang lugar pa rin ang walang cellphone service ilang oras matapos ang lindol. Ayon kay Governor Nubia Carolina Cordoba, 12 katao ang nasawi at 84 ang nasugatan sa naturang lugar na karamihan sa rural areas.

Pinakamarami umano ang nasawi sa Risaralda, na bahagi ng coffee-growing region ng Colombia. Matindi ang pinsala sa Pereira, ang kabisera ng departamento, habang patuloy ang paghahanap ng mga rescue worker sa mga posibleng na-trap sa mga gumuhong gusali.

Gumuho ang isang apat na palapag na gusali sa Pereira habang tumatama ang lindol, ayon sa video na na-verify ng Reuters. Sa mga video footage naman mula sa Manizales, makikitang gumuho ang isa sa mga side tower ng landmark neo-Gothic cathedral ng lungsod at nagkalat ang mga debris sa mga kalapit na kalsada.

Makikita rin sa footage ng Reuters ang mga rescue worker, pulis at mga volunteer na mano-manong naglilinis ng mga guho at nagkakarga ng debris sa mga truck habang hinahanap ang mga taong maaaring na-trap sa ilalim ng mga gumuhong gusali.

Sa iba pang footage, makikita ang pinsala sa mga residential tower at emergency-service facilities, habang nabagsakan ng debris ang mga ambulansyang nakaparada sa ibaba.

Sinabi ni Mauricio Andrade, isang bumbero sa Cali, na nailigtas ng kanyang team ang dalawang babaeng nasa hustong gulang at dalawang bata mula sa isang gumuhong gusali.

Habang nakikipag-usap siya sa Reuters, naghahanda ang kaniyang team na magsagawa ng panibagong rescue operation para sa iba pang mga tao sa ilalim ng mga guho.

"They are alive," aniya. "We are making space so we can free them and get them out."

Matatagpuan ang Colombia sa Pacific Ring of Fire, isang lugar na aktibo sa seismic activity, at nakararanas ang bansa ng libu-libong lindol bawat buwan na karamihan ay mahina lamang. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA News