Pinag-aaralan ng ilang eksperto sa Australia na kabitan ng mga camera at injection device ang mga ipis upang makapagpadala ng mga medical aid sa mga biktima ng sakuna.

Sa ulat ng GTV News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing tinawag ang mga ipis na mga “paraborgs” o paramedic cyborg cockroaches.

Sinabi ng Australian researchers na maaaring makatulong ang paraborgs sa search and rescue teams na maghahatid ng mga gamot sa mga taong na-trap sa gitna ng mga sakuna.

Napili ang mga ipis dahil madaling nakalulusot ang mga ito sa maliliit na espasyo.

Gagamitin ng mga scientist ang malalaki at pinakamabibigat na species ng ipis sa buong mundo.

Kasalukuyan pa itong pinag-aaralan sa University of Queensland at University of New South Wales. – Jamil Santos/FRJ GMA News