Ipinakita ng isang negosyante ang kaniyang pagiging malikhain dahil ang halo-halo na matumal ang benta ngayong tag-ulan, nilagyan niya ng twist upang gawing ube champorado at ube cheese turon na patok sa ano mang uri ng panahon sa Cavite.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang negosyong JJLicious Sweet Delights ni Jovielle Adolfo.

Nag-viral ang kanilang halo-halo noong nakaraang taon dahil ang kanilang toppings, isang buong leche flan. Tuwing summer, umaabot sa 300 hanggang 500 na halo-halo ang kanilang naibebenta araw-araw.

Kapag tag-ulan, mahina ang benta ng kanilang halo-halo dahil malamig ang panahon.

Kaya naman ang topping na leche flan, naisip niyang ibenta ng per tub.

Ang topping naman na ube halaya, ginawa niyang ube champorado at ube cheese turon, at sinasamahan pa ng keso at milk powder.

Maaaring nang kumain ang dalawa hanggang tatlong tao sa isang tub.

Isa pang produkto ni Jovielle ang ube cheese turon, na malagkit na kanin na iniluto sa ube at ipinares sa keso saka babalutin sa lumpia wrapper at piprituhin.

Sa likod nito, nagkaroon ng problema sa pinansyal si Joviellele sa kaniyang unang negosyo.

“Gumagawa ng cakes. Kumbaga walang proper costing. Kaya ayun, hindi ko siya na-manage nang maayos. Hanggang sa nagpatong-patong ‘yung utang. Kasi akala ko wala na akong pag-asa, kasi nahusgahan ako ng mga tao dati,” emosyonal niyang kuwento.

Ngayon, unti-unti na rin siyang nakababawi sa negosyo. May tatlong puwesto na siya sa kanilang lugar na suki ang mga estudyante.

Kumikita si Joviellele ng five digits kada buwan. Unti-unti na rin siyang nakapagpundar ng mga gamit gaya ng e-bike at cabinet steamer.

“Wala akong gamit. Ang meron lang ako is skills ko bilang baker. At saka ‘yung tatag ng loob ko na lumaban ulit,” ayon kay Joviellele. – FRJ GMA News