Sa digital documentary series na "Philippine Controversies Revisited," binalikan ni Emil Sumangil ang malagim na wakas ng MV Princess of the Stars noong June 2008, na lumubog sa karagatang sakop ng Romblon, at sakay ang nasa 800 pasahero. Dahil nga ba sa kapabayaan kaya nangyari ang trahediya o dahil sa kababalaghan sa naturang bahagi ng dagat dahil na tinatawag na “Romblon Triangle?” Alamin.
Hunyo 21, 2008 nang mangyari ang paglubog ng MV Princess of the Stars na galing sa Maynila at patungo sana sa Cebu. Nangyari ito sa kasagsagan ng pananalasa noong Bagyong Frank.
Batay sa mga tala, June 20, 2008 ng hapon bago maglagyag ang barko, naglabas ng weather bulletin ang PAGASA tungkol sa bagyo na nag-land fall na umano sa Easter Samar at inaasahang tatahakin na ang direksyon na patungong Camarines Norte.
Ngunit pagsapit ng 11:00 pm sa kaparehong araw, naglabas ng panibagong abiso ang PAGASA na nagsasaad na nagbago ng direksyon ang bagyo at hindi na patungong Camarines Norte, bagkos ay patungo na ito sa Southern Luzon at Masbate.
Nang sandaling iyon, nasa Corregidor Island pa lang ang barko na patuloy sa kaniyang pagbiyahe.
Pagsapit ng 11:30 pm, naglabas naman ng direktiba ang Philippine Coast Guard na bawal nang pumalaot ang mga barko ngunit nasa biyahe na MV Princess of the Stars.
Hanggang sa makakuha na lamang ng sumunod na update tungkol sa barko na lumubog at tumaob na ito sa karagatang sakop ng Romblon, at iilan lang ang mapalad na nakaligtas.
Subalit bukod sa pinaniniwalaang kapabayaan ang dahilan ng trahediya dahil ilang barko na pala ng kompanya ang nasangkot din sa ibang sakuna sa karagatan, may mga haka-haka rin na maaaring may kinalaman sa pangyayari ang tinatawag na “Romblon Triangle” sa pinaglubugan ng barko.
Sa naturang lugar, mayroon umanong misteryosong puwersa sa ilalim ng dagat na dahilan kaya marami nang sasakyang pandagat ang lumubog doon.
Ano nga ba ang nangyari sa barko sa huling mga oras nito, at mayroon bang napanagot? Tunghayan ang buong dokumentaryo na video na ito ng Philippine Controversies Revisited. Panoorin. – FRJ GMA News
