Iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Thailand ang isang klinika sa Bangkok dahil sa pagpanaw ng isang Nigerian-born British businessman at influencer matapos na sumailalim sa penis enlargement procedure. Ang pasyente na kilala sa tawag na “Tiny" at "Ego," suki sa klinika at limang ulit na umanong binigyan ng penile enlargement injections.

Ayon sa isang coroner sa London, pumanaw noong Marso ang 43-anyos na Briton sa Thailand, ilang oras matapos siyang maturukan ng hyaluronic acid.

Dahil sa insidente, muling nabuhay ang debate tungkol sa medical tourism. Isa ang Thailand sa mga nangungunang destinasyon ng mga dayuhang naghahanap ng serbisyong medikal, kabilang ang mga aesthetic procedure.

Mayroong 185,000 followers sa Instagram ang Briton, at madalas na mag-post ng mga larawan kasama ang kaniyang asawa na nagpapakita ng marangya nilang pamumuhay.

Iniutos ng Thai health ministry ang imbestigasyon sa kaniyang pagkamatay, at nagtungo noong Lunes ang mga opisyal sa klinika kung saan ginamot si Ubiribo.

Inaalam ng mga awtoridad kung may balidong lisensya ang klinika at kung sinunod nito ang mga pamantayan sa kalusugan at kaligtasan, ayon sa isang opisyal ng health ministry na nakausap ng Agence France-Presse.

Nagpapamasahe umano si Ubiribo matapos siyang turukan ng filler nang makaramdam ng pananakit ng dibdib at biglang bumagsak, ayon sa ulat ng UK coroner noong Agosto, na pormal na tumutukoy sa sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Isinugod siya sa ospital dahil sa hinalang nakaranas siya ng pulmonary embolism ngunit nawalan na siya ng malay bago pa maisagawa ang CT scan.

Sinubukan siyang i- resuscitate ng mga medical worker nang mahigit 100 minuto, ngunit idineklarang patay dakong 1:00 ng madaling-araw.

"Post-mortem examination and toxicology determined the cause of death to be due to the hyaluronic acid injection," ayon sa ulat.

Sinabi rin ng Senior Bangkok police official na si Utit Soodjai sa AFP, na nagsasagawa sila ng sariling imbestigasyon sa pangyayari.

"When it comes to medical procedures, we advocate for the highest level of caution," ayon kay Thai health minister Pattana Promphat.

Layunin umano ng imbestigasyon na, "to ensure fairness for everyone and to reassure both local and international patients that they are receiving safe, high-standard and valuable care in Thailand."

Ayon sa health ministry, sinabi ng mga manager sa klinika na regular nilang pasyente ang Briton mula pa noong 2024, at limang beses nang sumailalim sa penile enlargement injections.

Ginawa ang unang apat na procedure noong 2024 at 2025. Sa ikalima niyang pagbisita noong Marso 5, binigyan siya ng 40 milliliter ng filler.

Inirekomenda umano ng doktor na hatiin sa dalawang session ang procedure, ngunit hiniling umano ng Briton na ilagay na ito sa kaniya sa isang session lamang, batay umano sa pahayag ng pamunuan ng klinika sa mga imbestigador.

Malawakang ginagamit ang hyaluronic acid fillers sa aesthetic medicine at itinuturing na minimally invasive at medyo mababa ang panganib na maidudulot.

Kilala ang Thailand sa mahusay sa serbisyong pangkalusugan at matagal na itong sentro ng medical tourism. Patuloy rin ang paglago ng aesthetic market sa bansa. — ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA News