Naging emosyonal si Buboy Villar habang inaalala ang kaniyang pinasok na mga raket noong kaniyang kabataan para makatulong sa kaniyang ina.
“Siyempre hindi naman kami mayaman. So lahat kami nasa public school din nag-aaral. Ang pinakamaganda sigurong nakapag-aaral sa amin, nakapagtapos siguro sa amin, 'yung kuya ko,” sabi ni Buboy sa nakaraang episode ng programang “Your Honor.”
“Ako nu'ng bata ako, nagbabasura kami sa gabi hanggang madaling araw tapos pasok ulit tatay ko. ‘Yun naman din ang diskarte ko. Araw na ng eskuwelahan, siyempre. Ako kasi taga-apak kasi ako sa basura. Gumigising kami ng parang alas tres bago dumating 'yung truck. Kailangan mauna kami doon,” pagpapatuloy ni Buboy.
Ilan sa kaniyang mga kinakalakal ang mga bakal, plastic, lata at karton.
Ayon pa sa aktor, lagi siyang nabu-bully at napapaaway sa eskuwelahan.
Dahil sa angking lakas ng loob, naisipan ni Buboy na sumali sa isang singing contest.
“Alam kong makapal ang mukha ako. Gusto kong kumanta, So, sumasali ako sa mga singing amateur. Kasi sa Cebu, maraming 'yung singing amateur. Pambata, matanda,” patuloy niya.
Sumali raw si Buboy noon na mag-isa na hindi alam ng kaniyang ina. Hanggang sa nalaman niya na ang sinalihan pala niyang singing contest ay para sa mga matatanda.
“Sumali ako ng singing contest, puro matatanda 'yung kalaban. Walang bata. So pinagtatawanan ako nu'ng organizer na, ‘Bata ‘to eh, ano ‘to, pangmalaki ‘to. Pero kung gusto mo kumanta, sige mag-opener. Pinag-opener lang nila ako, binigyan nila ako ng bigas, de lata,” sabi ni Buboy.
Wala man siyang natanggap na premyo, natuwa naman si Buboy sa inabot sa kaniyang bigas.
“Pagtingin ko, may bigas ako. Ang nasa utak ko noon, ibibigay ko ito kay mama, kumbaga, ‘Ang galing kong anak ngayon! May bitbit ako. May uulamin ako ngayon!’ Si mama kasi, kita ko lagi ang mukha ni mama,” dagdag niya.
Dahil musmos pa lamang, hindi pa raw labis na nauunawaan ni Buboy ang kahirapan.
“Ang mahirap nga, ‘pag magulang ka na, nakikita mo na 'yung ‘pag mahirap ka. Kasi ako anak ako. Hindi ko nakikita na nahihirapan sila mama. So, ako nu'n, thinking ko nu'n, dahil gusto ko makitang nag-smile si mama, nagdala ako ng…” kuwento ni Buboy, na hindi natapos ang sinasabi dahil sa kaniyang pagiging emosyonal.
“Nagdala ako ngayon ng bigas at de lata. So, pinagalitan ko ni mama, ‘Walang hiya ka. Ba't ‘di ka nagpaalam? ‘Pag na-ano ka diyan?’ Pero umiiyak siya,” kuwento ng Your Honor Vice Chair.
“Kung ako siguro 'yung magulang, nakita ko merong bitbit 'yung anak ko, siguro ako maiiyak ako. Sa murang edad, kung titignan ko 'yung sarili ko, sa murang edad ko na 'yun, nakikita ko na siya at gusto kong tumulong sa pamilya ko. Hindi siya big deal sa akin. As a parent, malamang big deal siguro sa kanila,” pahayag niya.
Matapos makita ni Buboy na natuwa ang kaniyang ina, inulit niya ang pagsali sa mga singing contest.
“Tumatakas ako, kinukuha ko 'yung damit ni mama, cassette tape ni mama, 'yung cassette-cassette pa ‘yun. Hanggang sa kinausap na ako ni mama, ‘Ano ba talaga gusto mo?’”
Inilahad ni Buboy ang kaniyang pag-iisip noon, na gusto niya na lamang makatulong imbes na mag-eskuwela.
“Pagdating naman sa school, kasi nga, na-stress ako sa school, ‘di ba? May mga terror akong teacher. ‘Parang wala akong kagaling-galing dito sa eskuwelahan na ‘to. Lalabas na lang ako, lalabas ako, may pera akong uwi.’ Ganon 'yung mindset ko,” saad niya.
Hanggang sa kinausap siya ng kaniyang ina kung desidido siyang ipagpatuloy na rumaket, sa kondisyon na ipagpapatuloy ang pag-aaral.
“So nag-usap kami ‘Ano, gusto mo ba talaga ‘yan? Anong gusto mo?’ Pero kailan mag-aral ka, ta's gawin mo ‘yan, ta's tignan natin. So sumasama na ako sa mama ko ngayon, nag-a-amature kami. Tapos pinag-aaral ako ng mama ko ngayon, aral ka, ‘yun na, nagkakaroon na kami ng bonding. Kantahan sa gabi, hatid-school sa umaga. So gano’n ang nangyari,” anang aktor.
Buhay-Maynila
Nabago ito noong pagkarating nila sa Maynila, na inilarawan ni Buboy na kakaiba ang hamon. Limang taon gulang lamang siya noon.
“Akala ko, pagdating mo sa Maynila, 'yung pag-aaral, parang ganu'n din sa Cebu. Hindi pala. I mean, ang daming matataas ang ihi dito. Parang ganu'n na 'yung feeling ko. Shucks! Mabu-bully ako lalo dito!”
Doon na siya hinikayat ng kaniyang ina sa mga singing contest, habang pinagsasabay ang kaniyang pag-aaral. Dumating pa ang punto na nag-home study siya.
May mga pagkakataong pagod si Buboy kapag pumapasok sa eskuwela pagkatapos ang taping sa pagiging child star.
“Talagang susuko ang katawang lupa ko. Habang pumamasok ako sa (paaralan), parang naririnig ko si Dana, ‘Ding, ang bato!’
Kalaunan, namili na si Buboy, na ituloy na ang pag-aartista. Samantalang Grade 4 ang kaniyang natapos sa eskuwelahan.
Matatandaang gumanap si Buboy bilang si Ding, sidekick ni Darna, na ginampanan ni Marian Rivera sa “Darna” noong 2009. —FRJ GMA News
