Nahuli-cam ng netizens ang iba’t ibang karanasan nila ng mga kababalaghan gaya ng paggalaw ng mga upuan, pagpapakita ng misteryosong lalaki, at pagtawag ng mga tinig na nagdulot sa kanila ng katatakutan. Ano kaya ang paliwanag ng isang paranormal expert tungkol dito? Alamin.
Sa “Caught on Cam” ng GMA show na “Unang Hirit,” ipinakita ang video ng kusang paggalaw ng isang wheelchair na nakunan ng isang nursing student sa isang ospital sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
Ayon sa nursing student, nilapitan nila ang wheelchair na patuloy na gumalaw na tila may humahawak.
Paliwanag ng paranormal investigator na si Ana Dela Cruz, may nakita siya na kaluluwa ng isang matandang babae na nagpagalaw sa wheelchair.
“Ospital po siya. Nandiyan po lahat ng mga espiritu kasi diyan po araw-araw may namamatay. Para pong ang nangyari po diyan, para bang pinipilit niya ipasok, para bang nagpaparamdam siya na, parang binabalikan po ba 'yung nangyari sa kaniya,” sabi niya.
Posibleng hinihiling umano ng espiritu na ipagdasal ito.
Ayon kay Dela Cruz, may kakayahan ang mga espiritu na magpagalaw ng mga materyal na bagay.
Nilinaw ng paranormal expert na magkaiba ang mga kaluluwa sa mga elemento.
“‘Yung elemento po kasi, mararamdaman niyo po, 'pag kung nandiyan po kayo, mainit 'yung pakiramdam niyo. 'Pag malamig po, espiritu po ang kasama,” saad niya.
Gumagalaw na mga upuan
Sa Davao del Sur naman, isang guro ang kinilabutan nang mapansin niyang gumalaw ang upuan sa kaniyang harapan matapos ang uwian ng mga estudyante. Nang itutok niya ang camera sabay pagtayo, muling gumalaw ang upuan, kaya agad siyang lumabas ng classroom sa takot.
Ayon kay Dela Cruz, may mga espiritu ng mga bata na naglalaro ang may kagagawan nito.
“Noong araw po, ito pong bata na ‘to ligaw lang po ito. Ito po (isa pang bata), 'yung bata po siya nu'ng araw. Para pong nagpapansin po siya,” pali
“Puwede po doon sa school po, baka po nagpapansin lang po 'yung bata. Pwede po kasing mapansin po ng mga espiritu po niyan kung ang tao po or nag-stay po roon, may negative po,” dagdag niya.
Misteryosong lalaking nakabarong
Tungkol naman sa misteryosong lalaking nakabarong na nakunan ng dalawang magkaibigang sakay ng motorsiklo sa dis-oras ng gabi sa gilid ng madilim na kalsada sa Oriental Mindoro, sinabi ni Dela Cruz na isa rin itong espiritu.
“Kasi po ito, siguro po ito, ito po 'yung suot niya po noong time po noong siya namatay o binurol,” paliwanag niya.
“Baka po kasi po 'yung dumaan po diyan, malakas din po 'yung negative or madali pong mabati,” sabi pa niya.
Nilinaw ni Dela Cruz na hindi namatay sa lugar ang lalaking misteryosong nakabarong, kundi posibleng may sinamahang tao na may negatibong enerhiya.
“Ligaw po. Puwede po sabihin natin na mayroong po tao na pumunta sa isang lugar, may negative siya, na-attract po siya (espiritu), nadala po dito sa lugar po na ito, kaya nag-stay po siya.”
Mga boses na tumatawag
Ang isa namang pamilya, nakarinig sa CCTV ng pagtawag ng kanilang pangalan. Ang boses, tinatawag ang pangalang “Naning” na gamit ang boses ng kanila umanong tatay habang natutulog sila.
Matapos nito, naalimpungatan ang kanilang kasama sa bahay matapos may tumawag sa kaniya na boses ng kaniyang nanay na “Len” ang binanggit.
Wala namang voice feature ang kanilang CCTV.
Ayon kay Dela Cruz, isa naman itong elemento.
“May elemento po ako diyan nakita, aninong itim po diyan. Sa ayos din po kasi ng bahay, hindi po maganda 'yung hagdan po niyo ay [tabi ng pinto],” pun ani Dela Cruz.
Paliwanag ni Dela Cruz, hindi dapat nakatapat ang pinto sa may CR.
“Kaya po, 'yung mga elemento po, pabalik-balik po diyan, dahil po hallway po,” saad niya.
Payo ni Dela Cruz, magbigay-galang sa mga hindi nakikita.
“'Yun pong igalang po natin. Kung meron po, puwede po tayo magsabi, kunwari may naramdaman po tayo. ‘Tabi-tabi po,’ ‘bari-bari apo.’ ‘Pag po naman po sa espiritu, 'yun po, pray lang po,” aniya. – FRJ GMA News
