Nag-viral sa social media ang video ng nakakikilabot na karanasan ng grupo ng isang motorista sa Atimonan, Quezon tungkol sa isang "multo" ng babae.

Ayon kay Patricia Camille Alvarez, na siyang nag-upload ng video sa Facebook, sakay sila ng isang kotse at tinatahak ang Old Zigzag Road sa Pagbilao, Quezon mag-a-alas dose ng hatinggabi noong August 14, 2018.

Naabutan umano nila sa may itaas ng zigzag road ang sinusundan nilang isang multicab.

Kapansin-pansin ang animo'y isang babae na mayroong mahabang buhok sa likod ng multicab.

Video courtesy: Patricia Camille Alvarez

Kahit natatakot, pilit umano nilang kunan ng video ang kanilang nakita.

Dahil daw sa takot ng driver ng kotse na kanilang sinasakyan, binagalan na lang nito ang takbo at pinalayo ang sinusundang multicab.

Ayon sa mga taga-Atimonan, kilala ang Old Zigzag Road sa Pagbilao at Atimonan, Quezon sa mga kuwento ng kababalaghan dahil na rin sa dami nang naitalang nakamamatay na aksidente dito.

Maraming kuwento rin umano ang isang white lady na nakikisakay sa mga nagdaraan na mga sasakyan.

Ayon sa nag-upload ng video, totoo man na white lady ito o hindi ay pinapayuhan nila ang mga nagdaraan dito na doblehin ang pag-iingat upang maiwasan ang disgrasya. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News