Idinaan ng "Eat Bulaga"dabarkads sa "Zoom" ang pagbati kay Vic Sotto, na nagdiwang ng kaniyang 65th birthday. Bukod sa mga dabarkads, bumati rin kay Bossing Vic ang kaniyang mga anak, kabilang si Pasig City Mayor Vico Sotto, na natatawang sinabi na kabado na siya sa paggamit ng Zoom.

Naka-post sa Facebook ng page ng "Eat Bulaga" ang naturang Zoom meeting na pagbati ng dabarkads kay Vic, na sinimulan muna nina Jose Manalo, Paolo Ballesteros at si Wally Bayola.

Kasunod nito ay isa-isang pumapasok sa screen ang mga dabarkads na sina Joey de Leon, Jimmy Santos, Alan K, Baeby Baste, Ryan Agoncillo, Ruby Rodriguez, Ryzza Mae Dizon, at siyempre sina Alden Richards at Maine Mendoza.

Bukod sa pagbati, nagbigay din ng kani-kanilang birthday wish ang dabarkads para kay Bossing Vic. Si Alden, kasama sa wish ay masundan na nina Vic at Pauleen si Talitha.

Pagkatapos ng dabarkads, ang mga anak naman ni Bossing Vic na sina Danica, Paulina, at Mayor Vico, ang pumasok para bumati.

Saad ni Vico, nang sabihan daw siya ng producer ng EB na magzu-Zoom ay biniro niya ito ng, "Sigurado kayo?".

"Sabi ng producer n'yo magsu-Zoom daw tayo. Sabi ko, 'Sigurado kayo na gusto n'yong mag-Zoom?' Marami daw hacking ngayon," saad niya.

"Kinakabahan na 'kong mag-Zoom eh," natatawa pang sabi ni Vico dahil sa naging karanasan niya kamakailan na may lalaking nakahubad ang biglang sumingit sa kanilang meeting.

Pero pagtiyak ni Vic sa kaniyang anak, safe naman ang Zoom meeting nila at si Jose lang umano ang "bold."

Nang hingan ng mensahe si Vico para sa ama, binalikan niya ang kaniyang kabataan na laging nandoon daw si Vic at hindi siya pinabayaan, pati na ang iba pa niyang mga kapatid.

"Maraming maraming salamat sa lahat kasi since bata ako you always make time for me and sa aming lahat na magkakapatid," ayon kay Vico.

"Kahit na busy ka, kahit hindi tayo [magkasama] sa isang bahay nakatira, talagang grabe yung effort mo lalo na nung bata ako. Lahat ng kailangan namin kahit sa school," patuloy niya.

Tandang-tanda pa ni Vico na kahit sa mga play daw sa eskwelahan na wala siyang linya ay pinapanood umano ng ama.

Umaasa si Mayor Vico na matatapos na ang problema sa COVID-19 para magkita-kita na raw sila. 

At sa huli, good health at more blessing ang dalangin niya para sa ama.

Pinaalalahanan naman ni Vic ang anak niyang alkalde na doblehin ang pag-iingat kontra sa virus dahil nasa labas ito palagi bilang mayor ng Pasig.

Ipinaalam din ni Vic kung gaano siya ka-proud sa kaniyang anak.

"Tuloy mo lang yung mabuting trabaho mo, we're proud of you," sabi ni Vic kay Vico.--FRJ, GMA News