Dumating na ang mahigit 500 tablets na ipamimigay ng Kapuso actress na si Heart Evangelista sa mga mahihirap na estudyante para may magamit sila sa darating na online schooling.

Una rito, nag-post sa Twitter si Heart para hikayatin ang mga mahihirap na mag-aaral na mag-dm [direct message] sa kaniyang Instagram account para mabigyan niya ng tablet.

“For those who don’t have tablets for online school please dm me on ig [Instagram]... I will be giving away as much tablets as I can,” saad ni Heart sa isang post niya sa Twitter kamakailan.

Muli ring nakiusap si Heart na sa IG siya padalhan ng mensahe sa halip na sa Twitter dahil doon naman nagpapadala ng mensahe ang mga humihingi sa kaniya ng tulong tungkol sa pagpapagamot.

ADVERTISEMENT

"Regarding tablets ok lang ba to message or tag me on ig? Not twitter? Sorry po kasi Di ko makita yung ibang messages na need ng medical assistance . I will also be creating a better system on my ig with my team Soon para mas marami kami mabasa na dm," paliwanag ni Heart.

Sa isa pang tweet ni Heart, makikita na ang kahon-kahon na tablet at isang painting na kaniyang ibinenta.

Sabi ng aktres sa caption: "My struggles in life are unknown to many but art, fashion and expressing myself has always helped me cope with my not so fairytale life."

Patuloy niya, "The time, hardwork and love that I put out in this artwork was well worth it as the proceeds have allowed me to purchase 550 tablets for angels."

 

 

Humingi rin ng paumanhin si Heart kung maging matagal ang pagtugon niya sa mga nagpapadala sa kaniya ng mensahe dahil balik-trabaho na siya.--FRJ, GMA News