Inihayag ni Rey Ongpauco, ama ni Heart Evangelista, ang dahilan kung bakit hindi siya nakadalo sa kasal ng kaniyang anak at Chiz Escudero.

"Ang pinag-aawayan namin, 'yung boyfriend lagi eh. Noong una ayaw ko, hindi tuloy ako napunta sa kasal niya," kuwento ni Rey.

"Siguro mga three years kaming nag-aaway nito (Heart) eh, hindi kami nagkakausap," sabi ni Rey.

Matatandaang naging kapansin-pansin noon ang pagiging absent ng mga magulang ni Heart sa kasal niya kay Chiz, na senador noon at ngayon ay gobernador na ng Sorsogon.

ADVERTISEMENT

"Noong nag-away kami, I really felt a void in my life," pag-amin naman ni Heart. "It was so hard for me because having a solid family really mattered to me so when I lost my family, I was lost as a person."

Gusto raw sana ni Rey na manatili pa rin sa kaniyang poder ang kaniyang anak.

"Kung ama ka, kung maaari lang sa 'yo na tumira 'yung mga bata habang buhay. Siyempre kapag mga anak mo na ang humingi sa 'yo, hindi mo matatanggihan eh. Kahit nahihirapan ka, gagawin mo," sabi ni Rey.

"Gusto mo na lang may lugar kang pinupuntahan, may bahay ka na lahat ng tao do'n masaya... 'Pag matanda na kami, may pagka-sentimiyento kami. Naghahanap kami sa inyo, mga pagmamahal niyo," sabi pa ng ama ni Heart.

Matapos ang maraming taon, nagkaayos na rin sina Heart at ang kaniyang ama.

"We just started out like before, parang I was like a little girl again, we just get each other so much now," sabi ni Heart.

"It's really important that you spend time with your family, create lots and lots of memories kasi I guess we're all just passing through this world. 'Yun naman din ang mababaon natin at the end of the day. 'Yun talaga ang totoong kayamanan sa buhay, it's family and moments," ayon pa sa Kapuso actress.

Ikinuwento nina Heart at Rey ang kanilang relasyon bilang mag-ama para sa isang online advertisment ng isang softdrinks brand, na ilalabas sa Father's Day.--FRJ, GMA News