Sabik na inabangan ng mag-asawang Jessa Mae at Wilvien ang pagdating ng kanilang kambal. Pero laking gulat nila nang lumabas ang kambal na magkadikit ang dibdib hanggang pusod. May kinalaman nga kaya sa paglilihi ng ina ang nangyari sa mga bata?

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Jessa Mae na naging maingat naman sila sa pagsunod sa mga pamahiin para maging normal ang kanilang anak. Pero naalala niya na minsan ay nagpahanap siya noon ng mangga na magkasama sa iisang tangkay.

Hinala niya, baka may kinalaman iyon sa pagiging magkadikit ng kaniyang kambal.

At dahil nakikita nila na naghihirap ang mga bata sa kanilang posisyon na laging nakatagilid at nakatingala, hangad nila na sana ay maoperahan ang mga ito para mapaghiwalay at makapamuhay ng normal.

Pero kailangan munang masuri kung magkakahiwalay ang internal organ ng mga bata at kung mayroon ba silang magkahiwalay na puso. Lumitaw kasi noon sa pagsusuri nang ng buntis pa si Jessa Mae na iisa lang ang nadidinig na heart beat ng mga bata.

Kaya naman sinamahan ang mag-asawa upang sa unang pagkakataon ay maipasuri sa duktor ang kambal at isailalim sa eksaminasyon kung may internal organ ba silang pinagsasaluhan na maaaring maging hadlang para sila ay paghiwalayin.

Alamin din sa video na ito ng "KMJS" ang mabigat na desisyon na ginawa noon ni Wilvien nang sumailalim sa maselang operasyon si Jessa Mae para sa panganganak kung sino ang pipiliin niyang mabuhay sakaling malagay sa kritikal na sitwasyon ang kaniyang mag-iina--ang kaniya bang asawa o ang kambal? Panoorin. --FRJ, GMA News