Lumaki na walang nakikilalang ama si Steph dahil sanggol pa lang siya nang ipaampon siya ng kaniyang ina sa isang babaeng walang pamilya. Pero nang pumanaw na ang kinikilalang ina, sumidhi ang pagnanais niyang makita ang tunay na mga magulang.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng 24-anyos na si Steph na pumanaw nitong lang nakaraang Enero ang kaniyang kinikilalang ina. At habang naka-lockdown nitong Marso, nahalungkat niya ang original copy ng kanilang birth certificate kung saan nakalagay ang pangalan ng kaniyang tunay na ama at ina.

Dahil marami raw ang kapangalan ng kaniyang ina sa Facebook, ang pinagtuunan na lang niya ng pansin ay ang kapangalan ng kaniyang ama sa social media na si Randall na kaagad niyang pinadalhan ng mensahe.

Tumugon naman si Randall at sinabing may hinahanap nga siyang anak mula sa isang babaeng nakarelasyon niya sa Maynila noon. Ayon sa lalaki, mangingisda ang kaniyang trabaho at matagal na nasa laot.

Pero bumalik siya sa Maynila, wala na raw ang babae pati na ang kaniyang anak, kaya hindi niya ito nasilayan ang sanggol kahit minsan. 

Ngunit ang nararamdaman na pananabik si Steph para sa pinaniniwalaang ama, nahaluan ng pagdududa dahil iba ang binanggit ni Randall sa natatandaan niyang taon nang isinilang si Steph.

Gayunpaman, may isang marka raw si Randall na magpapatunay na anak niya si Steph sa pamamagitan ng pangalan ng kaniyang ina na ipinata-tattoo niya sa kaniyang likod.

Tunghayan sa video kung tama nga ba ang pangalan na naka-tattoo sa likod ni Randall sa pangalan naman ng ina na nakasaad sa birth certificate ni Steph.

Maipagdiriwang kaya nila ang father's day na magkasama? Panoorin ang kanilang kuwento na karaniwang sa teleserye lang napapanood. --FRJ, GMA News