Hindi host kung hindi isa sa choices sa segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" ang ginawa ni Jose Manalo nitong Lunes. Dito ay ikinuwento ng komedyante kung papaano siya nakapagtrabaho sa longest running noontime show bilang production assistant o PA noong 1994.

Ang Kapuso actor na si Raver Cruz ang naging celebrity contestant, at mga dating nagtrabaho sa "Eat Bulaga" ang naging choices at kasama si Jose, na nagpakilala bilang si Ariel Manalo, ang tunay niyang pangalan.

Sa umpisa pa lang ng pagpapakilala, nagtatawanan na ang mga dabarkads nang sabihin ni Jose na galing siya sa New York Tundo (Manila).

Ginamit pang paraan ni Jose ang kaniyang "kasabihan" para ipabati ang isang taong nagdiriwang ng kaarawan.

Sina Paolo Ballesteros at Maine Mendoza ang naging host sa segment, habang sina Alden Richards at Ryan Agoncillo naman ang nagsasabi ng bawat round at tanong.

Sa tanong na kung sino-sino (apat ang tamang sagot) sa mga pagpipilian ang nakapagtrabaho sa Eat Bulaga ng higit tatlong taon pataas, kabilang si Jose o Ariel sa pinili ni Raver, at tama naman ang kaniyang sagot.

Kuwento ni Jose, nagsimula muna siyang talent o artista sa dating afternoon soap na "Valiente," at patapos na ang serye nang alukin siya na maging PA para sa "Eat Bulaga."

Ayon kay Jose, noon una ay nag-alangan siyang tanggapin ang trabaho bilang PA dahil hindi siya magaling sa pagsusulat. Pero nang malaman niya na nakatoka lang siya sa pagsubaybay sa mga contestant para sa dancing at singing contest ng programa, tinanggap na niya.

Kinalaunan, naging floor director na rin siya.

Sa naturang episode, inilahad ng mga nagtrabaho sa Eat Bulaga ang hirap at pagod sa pagpapatakbo ng programang 40 taon nang napapanood sa telebisyon at nagbibigay ng kasiyahan at tulong sa mga tao.

Pero sa kabila ng pagod at hirap, masaya umano sila sa kanilang trabaho at maraming natutunan, na nagamit nila sa mga sumunod o iba pa nilang naging trabaho.

Nagkaroon din ng ilang rebelasyon tulad ng isang dating staff ng Eat Bulaga na natoka noon sa segment na "Sugod-Bahay."  Ikinuwento ng naturang staff na sumabak siya sa mga beauty pagent at si Paolo umano ang tumulong sa kaniya at nagturo ng pagma-makeup at maging sa pagrampa. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News