Tila mahilig ngayong magtatakbo ang mga hayop sa mga kalye. Matapos maibalita ang tila nagjo-jogging na ostrich sa isang subdivision sa Quezon City, may nahuli-cam naman ngayon na tumatakbong biik at baka sa lansangan ng Cebu City at Iloilo City.

Sa video ng YouScooper na si Adnan Pacasum, makikita ang isang biik na tumatakbo sa kahabaan ng Banilad Flyover habang hinahabol ng ilang kalalakihan.

Nagulat umano si Adnan at ilan pang motorista sa lugar nang makita ang tumatakbong biik sa flyover.

Hindi naman nasabi ni Adnan kung nahuli ang biik at kung saan ito nanggaling.

Samantala sa Iloilo City, isang tumatakbong baka naman ang nakatawag ng atensiyon ng mga motorista.

Pauwi na raw ang YouScooper na si Bep Chavez nang makasalubong niya ang baka sa Diversion Road kaninang hapon.


Nitong Martes, mga nakawalang ostrich na nagtatakbo sa loob ng isang subdibisyon sa Quezon City ang kinaaliwan ng netizens.--FRJ, GMA News