Lumaki man siyang walang mga binti, hindi naging hadlang kay Diego Garcia ng Davao de Oro na abutin ang kaniyang mga pangarap. Sa katunayan, isa siya ngayong sa mga viral TikToker na may mahigit kalahating milyong followers.

Bagaman naiiba ang kaniyang panngangatawan, normal daw ang araw-araw na takbo ng buhay ni Diego na nagtatrabaho bilang office staff sa provincial tourism office ng lalawigan.

Inilarawan si Diego ng kaniyang kasama sa trabaho na isa siyang masayahing tao at masipag sa trabaho.

Makikita rin sa kaniyang mga video ang hilig niya sa pagsasayaw.

Pero nang tanungin sa programang "Tunay Na Buhay" kung ano pa ang pangarap ni Diego sa buhay, napaiyak siya.

"Sorry naiyak po ako," saad ni Diego sabay pahid ng luha. "Bata pa lang kasi ako parang nakahiligan ko na talagang mag-acting. Kasi sa bahay parang nababaliw daw ako kasi nag-a-acting ako na mas isa."

Patuloy ni Diego, "My passion po talaga is gusto ko po talagang artista po. Kasi alam ko naman talaga na wala pong artista na kagaya ko pero kung ipagkakaloob man po ng Diyos, ibibigay ko po talaga yung best ko."

At ang paborito nitong artista, si Janine Gutierrez na kaniya ring nakausap sa internet.

Kilalanin pa lalo si Diego sa video na ito ng "Tunay Na Buhay." --FRJ, GMA News