Sa kagustuhang magpatawa, sa kulungan bumagsak ang apat na lalaki sa Valenzuela City nang ilagay nila sa sako ang isa sa kanila at iwan sa gilid ng kalsada para magmukhang salvage victim. 

Ayon sa Valenzuela City Police Station, may natanggap silang impormasyon mula sa isang netizen na nagsabing may nakita siyang lalaking isinilid sa sako at iniwan lamang sa gilid ng kalsada sa Barangay Paso De Blas.

Nang mag-imbestiga ang mga pulis, nalaman nila na buhay ang lalaki sa loob ng sako at may tatlo pa itong kasamahan na nagtatago para kunan ng video ang reaksyon ng mga tao at pagkatapos ay ia-upload nila sa social media.

Dahil dito, kakasuhan ang apat na lalaki ng alarm and scandal at paglabag sa ordinansa ng siyudad hinggil sa social distancing at quarantine pass.

Hindi naman ikinatuwa ng mga netizen ang ginawang estilo ng prank ng mga lalaki.--FRJ, GMA News

Tags: