Wala mang pinatutungkulan na tao o karanasan, nagbigay ng pahayag si Maine Mendoza tungkol sa tinawag niyang "law of attraction," o patungkol sa mga hinahangad na hindi nakakamit.

Sa kaniyang tweet, inilahad ni Maine ang kaniyang repleksiyon tungkol sa pagdating ng mga bagay sa tamang panahon.

"Law of attraction. At (siguro) kung para sayo talaga ang isang bagay, anuman ang mangyari mapapasayo ‘to. Minsan gusto natin andyan agad-agad, pero talagang may tamang panahon para sa lahat ng bagay, kaya dapat matuto tayong maghintay."

 

 

Paglalahad niya, hindi dapat sukuan ang mga pangarap, pero matuto rin tanggapin na hindi lahat ng bagay ay nakukuha ng mga tao.

"Minsan medyo matagal pero pagdating ng panahon baka ikaw rin at ako cheret makakamit mo din yan. Nakakapagod man (at nakakainip) minsan pero huwag mo bitawan. Patuloy kang mangarap at maniwala pero shempre matuto din tayong tumanggap ng mga bagay na hindi para sa atin," anang Dubsmash Queen.

 

 

Sakali mang hindi makamit ang inaasam, paalala ni Maine na meron pa ring ibang bagay na nakalaan na dadating sa tamang panahon.

"Mararamamdaman mo naman kapag hindi talaga para sayo ang isang bagay, pero hindi ibig sabihin non ay wala na tapos na. Merong ibang bagay na nakalaan para sayo at sana kapag dumating na yung tamang oras para doon ay buong puso mong tanggapin ‘yon sa buhay mo."

 

 

Nakatanggap naman ito ng higit 37,000 likes at 9,300 retweets nang maka-relate ang netizens sa mga pahayag niya.--FRJ, GMA News