Inakala raw noon ng mga taga-barangay na may nagtangkang magnakaw sa kanilang truck kaya ito umatras at bumukas ang pintuan. Pero nang silipin nila ang kuha sa CCTV, laking gulat nila nang makitang walang tao sa loob ng sasakyan at may rumehistrong tila anino na tumutulak sa truck.

Kahit ang taong nakasaksi sa pangyayari nang gabing iyon sa isang barangay hall sa Balanga, Bataan, natakot nang makita niyang mag-isang umandar nang paatras ang truck nang kaniyang tutukan ng flashlight.

ADVERTISEMENT

Pero dahil hindi raw ito ang pagkakataon na may nangyaring kababalaghan sa barangay hall, naniniwala ang mga nagtatrabaho rito na may kinalaman ang maligno sa pag-andar ng truck.

Ang paranormal researcher na sumuri sa lugar, kumbinsido na may mga kakaibang nilalang na naninirahan malapit sa barangay hall, at mga maligno raw ang nagpagalaw sa truck.

Pero ang isang video expert, may ibang paliwanag tungkol sa anino na nakuhanan sa CCTV. Sinuri rin ng mechanical engineer ang truck at nakita niya ang mga posibleng dahilan kaya umatras na mag-isa ang sasakyan. Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."


--FRJ, GMA News