Kung ang ibang bata ay aso o pusa ang gustong alagaan, ang 12-anyos na si Robin sa Goa, Camarines Sur, napaamo ang isang paniki na pinangalan niyang "Batman."

Ang paniking alaga ni Robin ay ang isang fruitbat na kayang lumaki nang hanggang limang talampakan at kinatatakutan ng marami dahil napagkakamalang aswang.

Si Robin ang nagpapaligo at nagpapakain kay "Batman," at kung minsan ay katabi pa niya sa higaan.

Tila kabisado rin ng paniki ang boses ni Robin dahil lumilipad ito papunta sa kaniya kapag tinawag niya.

Ang paniki, malambing umano at laging gustong nakakapit kay Robin at hinihimas ang ulo.

Pero papaano nga ba napaamo ni Robin si "Batman?" At isuko kaya ni Robin ang alaga kapag nalaman niyang bawal sa batas ang mag-alaga ng ganitong uri ng hayop?

Panoorin ang istoryang ito sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," at tunghayan din kung ano ang nangyari sa isang bahay sa Davao del Norte na tila gustong agawin sa pamilyang nakatira dito.

--FRJ, GMA News