Dahil sa hirap ng buhay at kagustuhang kumita para makatulong sa pamilya, ilang kabataan sa Bislig, Surigao del Sur na edad siyam hanggang 14 ang nagtutungo sa isang logging site upang magbuhat ng mga pinutol na puno na madalas mas mabigat pa sa kanila ang timbang.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang mga kabataang [kabilang ang dalawang babae] na sumabak sa napakabigat na trabaho na para sana sa mga kalabaw.

ADVERTISEMENT

Pero dahil kulang sa mga kalabaw na tagahatak ng mga troso pababa sa bundok, ilang kabataan ang nagkukusang magpasan ng troso para kumita at may maipambili kahit man lang bigas.

Sa bigat ng troso at madulas ang daanan dahil sa putik, hindi maiwasan na mapaluhod o mawalan ng balanse ang ilan sa kanila. Bagay na delikado lalo na kung madaganan sila ng pasan nilang troso.

At matapos ang halos apat na oras ng kayod-kalabaw at tatlong beses na pag-akyat at baba sa bundok, ang ilan sa mga kabataan...nakasingil lang ng mula P5 hanggang P40.

Panoorin ang buo nilang kuwento sa video na ito ng "KMJS."


--FRJ, GMA News