Pinto na biglang nagsara, tila buhok na mabilis na dumaan, at maitim na kamay na humawak sa sanggol. Ilan lang ito sa mga hindi raw maipaliwanag na pangyayari na nakuhanan ng video. Kagagawan nga kaya ito ng mga elemento, o gawa-gawa lang ng ng tao?

Sa ulat ni Izzy Lee sa "Stand For Truth," ikinuwento ni Albert Miranda ang naranasan niyang kababalaghan habang kasama ang kaniyang alagang pusa.

Nakahiga noon si Albert sa kaniyang kama at nagpapamasahe sa alaga niyang si "Toytoy" nang mapansin niya na tila iba ang ikinikilos ng alaga.

Panay umano ang lingon ng pusa sa pinto, at nang gumalaw ang pinto nang bahagya, nilapitan ito ng alaga ni Albert.

Tiningnan ito ni Toytoy hanggang sa ilang saglit pa, humampas pasarado ang pinto.

ADVERTISEMENT

"Pagpunta ko po sa bandang hagdan, may bakas po ng footprint doon, dalawang paa po nakaharap dito sa pinto ko. Doon na po ako natakot," sabi ni Albert.

"Kung may hangin man po, ang dapat ang bukas ng pinto pabukas, hindi po siya puwedeng maging pasara kasi ang likod ng pinto ko cabinet. Saan po manggagaling 'yung hangin sa likod?" dagdag ni Albert, na sinabing bata pa lamang siya ay nakakakita na siya ng kababalaghan sa kanilang bahay.

Isang grupo naman ng mga magkakaklase ang nakaranas din ng kakaiba nang mag-vlog sila sa Wawa Dam para sa isang school project.

Habang kumukuha ng video sa isang tulay, wala silang naramdamang kakaiba. Pero nang panoorin na nila ang video, maririnig ang malalakas na yabag at makikita na may tila bata na mabilis na tumatakbo sa kanilang likuran.

Ayon sa mga magkakaklase, wala silang ibang nakitang dumaan sa tulay at hindi rin naman ito gumalaw. Bukod dito, nang iharap pa ang camera sa direksyon ng tumatakbo, wala ring nakitang bata.

Halos sakop daw nila ang tulay at nakahawak pa sa kabilang bahagi ng tulay ang isa sa kanila kaya mapapansan daw nito kung mayroon talagang bata na dumaan sa kanilang likod.

Isang tatay din ang nakaranas ng kababalaghan habang kinukunan ng video ang bagong silang niyang anak. Sa video, makikita ang pagsulpot ng isang maitim na kamay na humawak sa mukha ng sanggol.

Mga elemento nga kaya ang mga nagparamdam sa mga video na kanilang nakunan? O ito ay edited lamang para makapanakot? Alamin ang magkaibang paliwanag ng isang paranormal expert at video expert sa video.

--FRJ, GMA News