Alamin sa talakayan ng "Kapuso Sa Batas" ang mga karapatan ng mga kasambahay sa ilalim ng Kasambahay Law ng Pilipinas at kung sakop din ba nito ang mga kasambahay ng Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa?

Sa "Kapuso sa Batas" ng Unang Hirit, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na sa ilalim ng Kasambahay Law, may karapatan ang mga kasambahay na maging malaya mula sa iba't ibang klase ng pang-aabuso, mapa-pisikal man, salita, sikolohikal o emosyonal.

Dapat hindi bababa sa minimum wage o P5,000 ang kanilang suweldo, at dapat maayos ang kalagayan sa bahay na kaniyang pinagtatrabahuhan. Dapat na napapakain siya nang maayos, may maayos na tutulugan, may ayuda mula sa empleyado kapag may sakit, at may walong oras ng pahinga kada araw.

Pagkatapos naman ng isang taong pagseserbisyo, meron din dapat silang limang araw na "service incentive" leave o bakasyon.

Gayunman, sinabi ni Atty. Gaby na sakop lang ng batas na ito ang mga kasambahay na nagtatrabaho sa Pilipinas.

Kaya ang mga batas sa pinagtatrabahuhang bansa ang masusunod kung makaranas man ng pang-aabuso ang mga kasambahay na nasa abroad.

Dahil dito, requirement sa mga recruitment agency na tiyaking pinapangalagaan ang mga kondisyon ng mga kasambahay na nasa abroad.

Alamin ang parusang kakaharapin ng sinomang amo na pisikal na nananakit o nagmamaltrato sa kasambahay. Panoorin ang buong talakayan sa video na ito. --FRJ, GMA News