Marami na raw inilapit na kaso sa psychic na si Jay Costura tungkol sa mga taong ginagambala ng elemento. Pero kakaiba raw ang kasong tinugunan niya kamakailan dahil ang isang babae, may mga tila kalmot sa katawan na may nabubuong sulat na nagsasabing "Akin Ka."

Kuwento ni Jay sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagtungo siya sa bahay ng babae na itinago sa pangalang "Ruth" para alamin kung anong elemento ang gumagambala sa babae.

Pero bago pa man silang makapagsimula ng seremonya, biglang natumba si Ruth, nanigas ang katawan, at idinaing na masakit ang mga bahagi ng kaniyang katawan.

Sa braso, nakita ang tila mga kalmot o manipis na sugat na tila likha ng blade. At nang magkaroon ng kaunting dugo ay namula ang mga sugat hanggang sa lumitaw ang salitang "Akin Ka."

Paano nga ba nagsimula ang hindi maipaliwanag na pangyayari kay Ruth at bakit nga ba siya ginagambala ng pinapaniwalaang elemento? Panoorin ang video na ito ng "KMJS" at alamin ang reaksiyon ng duktor sa kasong ito ni Ruth.

--FRJ, GMA News