Laughtrip ang bonding ng cast ng "Babawiin Ko Ang Lahat" matapos na sumablay si Carmina Villaroel sa paghula niya sa terms of endearment ng mag-asawang Tanya Garcia at Mark Lapid na nagsisimula sa letter "P."

Sa vlog ni Carmina, inilahad ni Tanya ang paghanga at pasasalamat sa kaniyang mister na si Mark na payagan siyang bumalik muli sa pag-arte at mag-lock in taping.

"'Yun naman 'yung sobrang thankful ako. Kasi siya, like with this one nga, una very, very reluctant ako sa lock in taping kasi nga parang hindi ko kayang iwan ang kids ko. Pero ang maganda kasi kay Mark talaga, para talagang hindi ako nagwo-work. Kahit noong nandiyan ako, siya 'yung mas may patience," sabi ni Tanya tungkol kay Mark na anak ng aktor at senador na si Lito Lapid.

Kuwento pa ni Tanya, nakilala niya si Mark nang magsama sila sa isang pelikula. Mula noon, naging magkaibigan ang dalawa, at biglang naging magkarelasyon nang walang nangyaring ligawan.
Naka-relate naman si Carmina sa love story ni Tanya dahil sila man daw ni Zoren Legaspi ay walang ligawan na nangyari kaya wala rin silang anniversary nang maging officially na magkasintahan.

Kasunod nito, nabanggit ni Tanya na "P" ang tawag sa kaniya ni Mark, kaya napatanong si Carmina kung "Bakit P?"

"Ang corny kasi, nahihiya ako," tugon ni Tanya.

ADVERTISEMENT

"Alam mo, lahat naman ng term of endearment, corny eh," sabi ni John Estrada, para mahikayat si Tanya na ibahagi ito sa kanila.

Dito na nanghula si Carmina: "P as in 'Pig'? Ganiyan?"

"Grabe ka! Mina grabe ka! Pinapakain ako rito eh! Ouch," natatawang sambit ni Tanya, habang naghalakhakan din sina John at production ng "Babawiin Ko Ang Lahat" dahil sa mali pero nakakatuwang sagot ni Carmina.

"Puwede namang pretty," natatawang sabi naman ni John kay Carmina.

"Let me correct that. P as in 'Peaches' 'Pretty'?" pagtama ni Carmina sa sarili, ngunit hirit ni Tanya, "Hindi rin siya 'Pig' guys!"

"Para hindi siya mahiya, ang tawag sa akin ni Zoren 'Muffin.' Corny 'yon," paghikayat ni Carmina.

Kinontra naman siya ni John.

"Mina sorry, malayo 'yung 'Pig' sa 'Muffin,'" biro ng aktor.

Dahil sa kantiyawan sa kaniyang paghula na "pig," nagbiro si  Carmina na ide-delete niya ang naturang bahagi ng video.

"Oh my God! I think I have to delete this part! I have to edit everything! Please don't judge me guys, sa fans ni Tanya. Oh my gosh I didn't mean anything," sabi ni Carmina.

"Kayo nga mag-isip kayo ng first word that pops in your mind that starts with letter P? Don't tell me 'Peaches' 'Pretty'. No it's not 'Pretty' its 'Pig'," depensa ni Carmina.

Kalaunan, nakabawi naman si Carmina dahil nahulaan din niya kung ano ang "P."
"Princess!!!" sigaw ni Carmina at nagpalakpakan ang set. "Nakabawi na ako sa Pig!"

Inilahad naman ni Tanya na "Prince" ang tawag niya sa asawang si Mark. --FRJ, GMA News