Ano nga ba ang dahilan at kinagat umano ng Eva ('di niya tunay na pangalan) ang maselang bahagi ng katawan ng dati niyang karelasyon na itinago naman sa pangalang Adan?

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing nakikipag-inuman si Adan sa isang kaibigan nitong bagong taon sa Makato, Aklan, nang dumating si Eva para kausapin daw ang dati niyang kinakasama.

Nang uminit na ang pagtatalo ng dalawa, nagtungo sila sa isang silid pero hindi nagtagal ay lumabas si Eva na may dugo sa bibig.

“’Yung bibig niya tsaka ngipin niya may mga dugo na. Akala ko nga sinapak siya ng lalaki,” ayon sa kaibigan ni Adan na si Ronilo.

Pero laking gulat ni Ronilo nang makita na dumudugo ang maselang bahagi ng katawan ng kaibigan.

“Pagkagat niya, tuklap balat, nasugatan nga, ang daming dugo. ‘Tulungan mo ’ko, Mil’,” pakiusap daw ni Adan.

Dahil sa nangyari, hirap daw maglakad si Adan at nagtiyaga lang sa dahon ng bayabas bilang panggamot sa sugat dahil sa kawalan ng pera na pambili ng gamot.

At kahit may iniinda pang sakit dahil sa nangyari, itinuloy na rin ni Adan ang pamamasada ng tricycle na kaniyang ikinabubuhay.

Ayon kay Adan, nakilala niya noong 2013 sa Eba na isang tindera ng isda.

“Noong unang sama, mga three years naman kaming masaya. Mahal ko siya sobra.”

Pero hindi nagtagal ay naging selosa na umano si Eba, at nauwi na ito sa pananakit sa kaniya.

“Nagda-drive ako ng motor, dito siya sa likod. Gusto niya doon kami matulog sa tinutulugan namin dati. Ang sabi ko sa kanya uuwi ako. Kinagat niya ang likod ko, nasiko ko siya, sumigaw at sabi niya, ‘saklolo!’,” sabi ni Adan.

Nakasuhan pa si Adan at nakalaya lang dahil sa piyansa.

"Inurong niya ang demanda na hindi niya ituloy, ayun nagsama na kami uli,” patuloy ni Adan.

Gayunman, nagpatuloy din umano ang pananakit sa kaniya ni Eba.

Noong Oktubre, nagpasya na si Adan na makipag-hiwalay, bagay na lalong ikinagalit ni Eva.

Hanggang sa mangyari na ang insidente noong Enero 1, na kinagat ni Eva ang masalang bahagi ng katawan ni Adan.

Ang isa raw labis na pinagseselosan ni Eba, ang babaeng may-ari ng tricycle na ipinapasada ni Adan.

“Nagseselos talaga na pinagpapapalit daw siya sa amo ng tricycle. Bakit daw hindi siya umuuwi,” kuwento ni Ronilo.

“Pumupunta dito. Minsan nga, sinabi niya sa asawa ko na, ‘Ilang babae na ba nadala niya rito?’”

Ayon kay Adan, nang mangyari ang kagatan, sinabunutan at hinubaran siya ni Eva at kinagat ang kaniyang ari.

Sa harap ng pandemic, maraming babae ang sinasabing nagiging biktima ng domestic violence. Pero base sa pag-aaral, may mga lalaki rin umano na nakararanas ng kanilang karahasan.

Pero papaano nga ba mapoprotektahan ang mga lalaki at maging ang mga miyembro ng LGBT laban sa pananakit ng kanilang karelasyon? At totoo rin kaya ang hinala ni Eva sa may-ari ng tricycle? Panoorin ang buong episode ng "KMJS."

--FRJ, GMA News