Bukod kay Edgar "Bobot" Mortiz, nais din ni Willie Revillame na makatrabaho ang isa pang batikang direktor at star builder na si Johnny Manahan, na kilala sa industriya bilang si "Mr. M."

"Halika na rito Mr. M," paghikayat ni Kuya Wil. "Samahan mo kami rito."

Ayon sa "Wowowin-Tutok To Win" host, isa si Mr. M. sa kaniyang mga nirerespeto sa industriya at inalalayan daw siya nito noong nagkasama sila sa ibang TV network.

Dahil sa tagal sa industriya at lawak ng karanasan, sinabi ni Willie na marami silang matutunan kay Mr. M., at maaari din silang magtulungan sa pagtuklas ng mga bagong talento.

Sinabi pa ni Willie na ang initial niyang "W" ay magiging "M" kapag binaliktad.

Sa isang ulat ng PEP.ph, sinabi ni Mr. M na posibleng magtrabaho na siya sa ibang network dahil freelance na siya at hindi na nakatali sa iisang network.

Pero wala pa naman daw na nag-aalok sa kaniya ng trabaho  sa ngayon at nais lang muna niyang mag-relax.

WATCH: Direk Bobot Mortiz, makakatrabaho ni Kuya Wil sa 'Wowowin-Tutok To Win'

Nitong nakaraang Nobyembre nang ianunsyo ni Kuya Wil na magiging bahagi na rin ng produksyon ng Wowowin ang dating aktor at ngayon ay direktor nang si Bobot Mortiz. --FRJ, GMA News