Sa panayam ni Paolo Contis sa programang "Just In," binalikan ng aktres na si Beth Tamayo na naninirahan na sa Amerika, ang dahilan kung bakit siya umalis ng Pilipinas at iniwan ang showbiz.

Ayon kay Beth, may kinalaman ang financial problem na kinaharap noon ng dati niyang mister kaya siya umalis ng bansa.

“Hindi naman natin idi-deny 'yan. It's been in the news or whatever, my ex-husband before had a problem...financial problem,” saad niya.

Dahil marami na ang naghahabol sa kaniyang mister, naramdaman ni Beth na nanganganib na ang kanilang buhay.

“So parang ang dami na ng taong naghahabol sa kaniya and parang our lives are actually in danger na so we had to leave. We had to leave in 2009,” patuloy ng aktres.

Sa Amerika, natutong mabuhay mag-isa si Beth at pinasok ang iba't ibang trabaho para mabuhay.

Pag-amin niya, hindi naging madali sa simula dahil wala siyang ibang alam na trabaho noon kung hindi ang showbiz na naging buhay niya mula pa lang ng 13-taong-gulang.

Pag-aalaga ng bata ang naging una niyang trabaho sa Amerika.

“Ang hirap magsimula from nowhere. Buti na lang kamo pinilit ko matapos 'yung college degree ko. I had a bachelor's degree so that's one thing. Kahit saan ka magpunta, it will help you in a way in looking for a job. Although hindi rin naman madali,” patuloy pa niya.

Kahit noong makapagtabaho na sa opisina, kinailangan pa rin niyang kumuha ng isa pang trabaho.

“Magtatrabaho ako ng eight in the morning until five o'clock sa office and then tatakbo ako sa second job ko 'cause I have a six in the evening up to closing which is sometimes 12-midnight sa restaurant,” kuwento pa niya.

Sa kabila ng hirap, nakapag-adjust na rin si Beth hanggang sa magustuhan na niya ang buhay doon.

Sa mga naunang lumabas na ulat, sinasabing nagkahiwalay din sina Beth at kaniyang asawa nang nasa Amerika na sila.

Ngayon ay engaged na rin si Beth kay Adam Hutchinson.

Panoorin ang buong panayam kay Beth at alamin kung bakit "kabetchi" ang tawag sa kaniya ang kaibigang si Judy Ann Santos.

--FRJ, GMA News