Mistulang ginawang modus umano ng isang lalaki ang pakikipagrelasyon at umabot na sa 50 ang kaniyang nabiktima at nautangan.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing sa internet nakikipagkilala ang lalaki at paiibigan ang biktima.

Kuwento ni "Lily," hindi niya tunay na pangalan at isa sa mga napaibig ng lalaki, sa una ay agad na magbabayad ang lalaki sa kaniyang nautang.

ADVERTISEMENT

Pero kinalaunan, lumalaki na ang perang nahihiram ng lalaki hanggang sa hindi na ito bayaran kapag nagkahiwalay na sila.

Ang masaklap pa para kay Lily, nakasamaan niya ng loob ang kaniyang pamilya dahil sa pagtatanggol niya noon sa lalaki.

Pero nang minsan buksan niya ang social media account ng lalaki at i-chat ang mga naka-block na account, doon na niya natuklasan na hindi lang pala siya ang nabiktima ng lalaking kaniyang minahal.

Mabawi pa kaya nila ang perang nautang lalaking mahusay magpaibig? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News