May panibago na namang milyonaryo matapos na solong tamaan ang lucky combination sa Superlotto 6/49 draw nitong Huwebes ng gabi, Pebrero 18, 2021, na may premyong mahigit P69 milyon.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakasaad na ang winning combination sa 6/49 draw ay 13-28-07-31-34-24.

Mayroon itong kabuuang premyo na P69,298,066.80.

Samantala, wala namang tumama sa kasabay nitong Lotto 6/42 draw na may winning combination  na 30-01-17-38-42-18 at P5.940 milyon ang premyo.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng PCSO na nagmula sa lotto outlet sa Banga, Aklan ang tiket na tinayaan ng solong nanalo ng mahigit P246 milyon premyo sa Ultra 6/58 drawn noong February 12, 2021.

Sa lotto outlet naman sa Bagong Barrio, Caloocan City, nabili ng mananaya ang kaniyang tiket na solo ring nanalo ng mahigit P10 milyon sa Lotto 6/42 draw noong February 9, 2021.

Noong Pebrero 16, 2021, isang mananaya rin ang solong tumama sa Lotto 6/42 draw na may premyong mahigit P8 milyon. --FRJ, GMA News