Sa panahong ito ng pandemic at mga ipinatupad na lockdown, sinasabing dumami ang mga nabubuntis. Ang isang babae nga, nabuntis daw kahit hindi naman talaga sila nagtalik ng kaniyang nobyo. Alamin kung paano iyon nangyari.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ipinaalala sa mga manonood na sensitibo ang kanilang paksa dahil mapag-uusapan dito ang tungkol sa sex education, na kadalasan ay iniiwasang pag-usapan sa bahay.

Si Mary, 25-anyos, lumaki sa konserbatibong pamilya at iniwasan daw ang mga makamundong pagnanasa.

ADVERTISEMENT

Kaya nang makilala niya at maging nobyo si Roygie, inihayag ng dalaga ang kaniyang pangarap na manatiling "buo" sa araw ng kanilang kasal.

Ngunit laking gulat na lang ni Mary nang isang araw ay makaramdaman siya nang hindi maganda sa katawan at nang magpasuri sa duktor ay doon niya nalaman na buntis siya.

Pero giit niya, papaano siya mabubuntis gayung "virgin" pa siya.

Gayunman, inamin ng magkasintahan na may "nangyari" sa kanila pero hindi raw sila umabot sa punto ng aktuwal na pagtatalik o nagkaroon ng sexual intercourse kaya nagtataka pa rin sila kung papaano nabuntis si Mary.

Alamin ang naging paliwanag ng duktor sa posibleng dahilan ng pagkakabuntis ni Mary sa video na ito ng "KMJS." Panoorin.

--FRJ, GMA News