Dahil sa awa sa mga nakikita niyang ligaw na aso at pusa sa kalsada, umabot na sa 61 hayop ang inaalagaan ng isang babae sa kaniyang bahay sa Paombong, Bulacan. Paano niya natutustusan ang pagkain ng mga hayop sa kabila ng kakapusan niya sa pera?

Sa programang "On Record," sinabing 2013 nang simulan ni Jackielyn Tanghal ang pag-ampon sa mga inabandonang aso at pusa.

"'Pag lumalabas ako nakakakita ako ng mga stray cat, stray dog. Ang ginagawa ko kasi, una pinapakain ko lang sila, tapos pagka-nadaanan ko ulit sila, minsan 'yung iba pilay na, may sugat, may banli sa katawan," ayon kay Jackielyn.

"Hindi na po ako makatiis. Ang ginagawa ko po, inuuwi ko na sila, kinukuha ko sila isa-isa," dagdag niya.

ADVERTISEMENT

Tumutol noong una ang pamilya ni Tanghal sa desisyon niyang mag-ampon ng mga aso at pusa.

"Matigas po ako, pinaglalaban ko po sila, 'Hindi dito lang sila sa akin.' Hanggang sa unti-unti natanggap na rin nila na hindi ko talaga kayang bitawan ang mga alaga ko," saad niya.

Sa maliit na negosyo niyang samgyupsal kinukuha ni Tanghal ang panggastos niya na P700 hanggang P800 kada araw para sa pangangailangan ng kaniyang mga alaga.

Sinubukan niya nang ipaampon ang mga ito.

"Kaya lang po bandang huli ako rin po ang nagpagamot eh, dahil binigay ko po sa kanila 'yung mga tuta nang maayos, malinis, mataba. Tapos nagulat na lang po ako na nakita ko sila nu'ng dinalaw ko, merong may sugat, merong sobrang payat, merong kinulong sa bahay ng kalapati. Siyempre sobrang naawa po ako eh," sabi ni Jackielyn.

Nitong Enero, nag-viral sa social media ang post ni Jackielyn na humihingi siya ng tulong para sa kaniyang mga ni-rescue na hayop, dahil wala na siyang panggastos sa iba pang alaga na kailangan kumain.

Ayon kay Jackielyn, P11,000 ang nagastos niya nang maoperahan ng cesarean section ang isa sa mga inaalagaan niyang aso.

Hindi naman inasahan ni Jackielyn na kinabukasan matapos niyang mag-post, may mga nagpadala ng dog food at cash donation.

Panoorin ang buong kuwento ni Jackielyn sa video.

--FRJ, GMA News