Nakita sa isang video na may tinutulungan ang mga tao na mailabas mula sa van ni Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino na bumangga na sa bakod ng tulay matapos ang umano'y engkuwentro nang biglang may lalaking lumapit sa sasakyan at muli umanong pinagbabaril ang mga sakay nito.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, madidinig ang sunod-sunod na putok ng baril na dahilan para magtakbuhan ang mga taong nakamasid at tutulong sana sa grupo ng nasawing alkalde.

Nagpadala na ang National Bureau of Investigation sa Calbayog para imbestigahan ang insidente ng umano'y engkuwentro ng grupo ni Aquino sa mga pulis.

Unang ipinaliwanag ng pulisya na binabaybay ng mga pulis ang lugar nang makasabay nila ang van ni Aquino. Pinaputukan umano ng grupo ng alkalde ang mga awtoridad dahil sa akala na binubuntutan sila.

Gumanti lang daw ng putok ang mga pulis at hindi rin umano alam ng mga awtoridad na si Aquino ang sakay ng van.

Pero paniwala ng pamilya ni Aquino, tinambangan at sadyang itinumba ang alkalde.

Hindi umano bababa sa 21 tama ng bala ng baril ang tinamo ng alkalde.

Lima ang nasawi sa insidente kasama ang driver at security escort ni Aquino.--FRJ, GMA News