Dahil sa sanggang-dikit noon, naging magkumare ang dating magkaibigan na sina Divine at Keycy. Ngunit nang magkaroon ng hidwaan, nagpasaringan sila sa Facebook at umabot ang dalawa sa hiwaan ng mukha.

(Babala, maselan ang video)

Sa video na ipinakita sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa mangyari ang madugong maghaharap ng dating magkaibigan, makikita ang duguang mukha ni Divine.

May napulot daw kasing blade noon si Keycy nang magkasagupa sila at ginamit niya ito sa paghiwa sa magkabilang pisngi  ni Divine at sa labi.

Ang akala raw noon ni Divine, sabunutan lang ang magiging away nila at hindi niya inakalang nais siyang patayin ng dati niyang kaibigan.

Duguan na isinugod sa ospital si Divine at kinailangang tahiin ang mahahaba niyang hiwa sa mukha.

Si Keycy naman, dinakip, ikinulong at mahaharap sa kaso.

Ano nga ba ang pinag-ugatan ng away ng dating magkaibigan at mapatawad kaya ni Divine ang kaniyang kumareng si Keycy na labis na raw nagsisisi sa kaniyang ginawa. Panoorin ang video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News