Sa programang "The Boobay and Tekla Show," mabilis na sinagot ni Kristoffer Martin kung totoo ba ang bali-balitang may relasyon sila ni Liezel Lopez.

Bago ang naturang tanong, inalam muna ng mga host ng programa na sina Boobay at Tekla kung ilan na ba ang naging nobya ni Kristoffer.

Sinabi naman ng Kapuso aktor na apat pa lang ang kaniyang naging kasintahan.

Nang tanungin naman kung ilan ang taga-showbiz, sinabi ni Kristoffer na, "dalawa na sa showbiz ngayon."

Isa sa mga naging kasintahan noon ni Kristoffer na taga-showbiz ay ang Kapuso actress na si Joyce Ching, na ngayon ay may sarili nang pamilya.

At nang tanungin kung girlfriend mga ba niya si Liezel, "Yes," ang mabilis na tugon ng aktor.

Naging kasunod na tanong naman nito ay kung mahal at kung ipaglalaban ba niya si Liezel.

"Yes. At yung ang ginagawa namin ngayon. Lumalaban kami parehas," pahayag ni Kristoffer.

Ayon kay Boobay, na-meet na niya si Liezel na inilarawan niyang maganda at mabait.

Inihayag din ni Kristoffer ang katangian na hanap niya sa babae na tanggap siya at susuportahan siya sa lahat ng bagay.

Kasabay nito, sinabi ni Kristoffer na iginagalang niya na may iba't ibang pananaw ang mga tao patungkol sa mga puna na manloloko siya ng mga babae.

"Lahat naman entitled sa kaniya-kaniyang opinion so...Natapos ko naman kung ano ang dapat tapusin and we are moving forward naman," saad niya. --FRJ, GMA News