Patay ang isang tricycle driver na nahuli-cam na bumangga sa isang nakaparadang van sa Tayabas City, Quezon. Pero nang suriin ang CCTV camera, lumitaw na hindi pala ordinaryong aksidente ang nangyari.

Sa video ng GMA News Feed, makikita sa CCTV ang pagdaan ng tricycle na minamaneho ng biktimang si Marcial Buezon na bigla na lang lumihis ang takbo sa kalsada at sinalpok ang nakaparadang van.

Sa unang tingin, aakalain na naaksidente si Buezon na nasawi sa kaniyang kinauupuan sa tricycle.

Pero nang suriin ang CCTV, makikita na mayroong riding in tandem na sumabay sa takbo Buezon at dinikitan siya. Kasunod nito ay lumihis na ang takbo ng biktima at bumangga sa van.

Lumitaw na pinagbabaril pala ng riding in tandem ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan na kaagad niyang ikinamatay.

Ayon sa pulisya ng Tayabas City, dating drug personality si Buezon, na nakulong noon ng dalawang taon dahil sa kasong pagtutulak at paggamit ng ilegal na droga.

Nakatakas naman ang mga salarin na patungo sa direksiyon ng Lucena City.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awotirida para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima.—FRJ, GMA News