Mahigit anim na dekada na ang nakaraan nang isilang ang triplet na sina Teresa, Corazon at Victor Bulaklak. Pero dahil sa kahirapan ng buhay ng kanilang ina, napilitan silang ipaampon sa iba't ibang kamag-anak.

Ang bata pa lang ang tatlo, nagkakasama sila paminsan-minsan ngunit hindi nila batid na magkakapatid sila at magkakambal.

Hanggang sa dumating ang sandali na nagkakaroon na sila ng muwang at malaman na ampon lang sila.

Si Teresa, naglayas at nagpalaboy-laboy.

ADVERTISEMENT

Pero nang magdalaga na, bumalik si Teresa sa unang umampon sa kaniya at natadnan si Corazon, na ang kumopkop naman ay kapatid ng kumopkop kay Teresa.

At nang pumanaw ang kumopkop kay Corazon, inihabilin siya sa kapatid na kumopkop kay Teresa.

Walang kamay-malay ang dalawa nang mga panahong iyon na hindi lang sila magkapatid kung hindi kambal pa.

Nalaman lang nila kinalaunan ang katotohanan at nasundan ng pagbabalik ng kanilang ina. DIto na rin nila nalaman na mayroon pa silang isang kakambal na lalaki na si Victor.

Pero nang hanapin nila si Victor sa kamag-anak din na kumopkop sa kaniya, nalaman nila na tulad ni Teresa, naglayas ito nang malaman na ampon lang siya.

Itinampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang istorya nina Teresa at Corazon noong nakaraan taon. Kasabay nito ang panawagan para sa sinomang nakakakilala sa kanilang kakambal na si Victor.

Gayunman, walang natanggap na impormasyon ang programa tungkol kay Victor. Pero kamakailan lang, may nagbigay ng impormasyon tungkol sa lalaki na pinaniniwalaan nilang si Victor dahil nababanggit daw nito noon ang mga pangalang Corazon at Teresa.

Siya na kaya ang Victor na matagal nang hinahanap ng kaniyang mga kakambal? Tunghayan ang video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News