Mula sa 20, umakyat na sa 73 ang mga Pinoy sa India na nagpositibo sa COVID-19, ayon sa embahada ng Pilipinas sa nabanggit na bansa.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing "mild" ang sintomas ng karamihan sa mga Pinoy na nagpositibo sa COVID-19 sa India.

Nauna nang iniulat na dalawang Pinoy sa India ang nasawi dahil sa komplikasyon sa virus.

Nararanasan ngayon ng India ang record high sa dami ng tinatamaan ng virus araw-araw na umaabot sa mahigit 300,000.

Tumataas din ang bilang ng mga namamatay dahil napupuno na ang mga ospital at kinukulang na sa mga gamit tulad ng oxygen.

ADVERTISEMENT

Inihayag din ni Philippine ambassador to India Ramon "Dondon" Bagatsing Jr., na minomonitor nila ang kalagayan ng hindi bababa sa 16 na Pinoy na nagpunta sa India para sa liver transplant ng kanilang mga anak.

Kilala ang India na may mahusay na programa sa liver transplant operation.

Sinabi ni Bagatsing, na gagawin ng embahada ang kanilang magagawa para maibigay sa mga Pinoy ang kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkain at gamot.

Hindi naman daw dapat ipag-alala na huli na ang ipinatupad na temporary travel restriction ng Pilipinas sa mga manggagaling sa India na nagsimula ngayong Biyernes at tatagal hanggang May 14.

Ayon sa embahador, kahit bago pa man maipatupad ang restriction ay mahirap na raw talagang makabiyahe papunta sa Pilipinas.

PINOY SA ABROAD NA MAY COVID-19

Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes, sinabing 32 Pinoy sa abroad ang nadagdag sa listahan ng mga tinamaan ng COVID-19 para sa kabuuang bilang na 18,357.

Sa naturang bilang, 11,271 ang gumaling matapos madagdagan ng 38. Habang nanatili naman sa 1,145 ang nasawi, at patuloy na ginagamot ang iba pa.

Pinakamarami sa mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19 ay nasa Middle East or Africa na umaabot sa 10,453. Sa naturang bilang, 5,902 na ang gumaling at 747 ang nasawi.

Sumunod naman ang Asia and the Pacific na may kauuang kaso na 3,591, at 2,448 na gumaling, samantalang  29 ang nasawi.

Nakapagtala naman ang Europe na 3,356 Pinoy na nagpositibo sa virus, na may 2,299 na gumaling at 130 ang nasawi.

Sa Americas, 957 Pinoy ang tinamaan ng virus, 622 ang gumaling, at 239 ang nasawi.  --FRJ, GMA News