Naiyak na lang sa sama ng loob ang isang Pinoy teacher sa China dahil sa problemang napasok niya nang malaman niyang ilegal pala ang pagtrabaho niya sa naturang bansa.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing umalis ng bansa si Aliomar Apad noong 2019 na isang rehistradong OFW sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ipinadala siya ng kaniyang lisensiyadong recruitment agency para maging isang guro sa isang paaralan sa Yantai.

Pagdating sa China, kinuha umano ng kaniyang employer ang kaniyang pasaporte at iba pang dokumento at itinalagang magturo sa isang paaralan sa Weifang.

"Ang nangyari is 'yong Chinese employer niya, hindi sumunod doon sa usapan sa kung saan siya magtatrabaho. Nagkaroon po ng paglipat sa kaniya na hindi po naaayon sa rules ng POEA at doon po sa ibinigay na visa sa kaniya ng China kaya siya nagkaproblema," ayon kay POEA Undersecretary Bernard Olalia.

ADVERTISEMENT

Buong akala ni Apad, legal ang pagtuturo niya sa bansa hanggang sa isang araw, inutusan siyang magtago dahil mayroong umanong "police check" sa paaralan.

"Noong time na 'yon kinakabahan po ako kasi bakit ako nagtatago eh legal ako," saad niya.

Kaagad daw siyang nagsumite ng resignation pero hindi siya pinayagan dahil mayroon siyang 50,000 Chinese Yuan o katumbas ng P350,000 na kailangang bayaran.

Napilitan na lang si Apad na tapusin ang kaniyang kontrata hanggang nitong Enero.

Pero nang ibalik ng paaralan ang kaniyang pasaporte, punit na ang kaniyang valid residence permit.

"Kasi noong sinabi ko na ilalaban ko 'to, 'di ako tinutulungan ng embassy. Sabi nila kung kaya ko punta raw ako sa immigration. Sabi ko kailangan ko tulong nila," sabi ni Apad.

Nasa China pa rin si Apad at nakikitira na lang sa mga kaibigan. Naubos na rin ang kaniyang ipon at pumasok na sa isip niya na tumira sa kalye.

"Naisip kong tumira muna sa kalye tapos ang lamig po ng panahon. 'Di ko ma-imagine kasi lahat ng pino-post ko sa Facebook puro masasaya, ayaw kong i-post 'yong mga nangyayari sa akin sa'kin kasi 'yong hiya," ayon kay Apad na hindi na napigilang umiyak.

Nangako naman si Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana na tutulungan nila si Apad.

Nais din ng POEA na papanagutin ang recruitment agency ni Apad sa nangyari sa kaniya. --FRJ, GMA News