Nagpasiklaban ng kaseksihan ngayong tag-init sina Sanya Lopez at Maxine Medina sa isang bikini showdown sa kanilang eksena sa "First Yaya." Magkaroon kaya ng "book 2" ang teleserye?

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing sa sizzling tapatan sa pool, suot ni Lorraine ang pulang swimwear habang puting two-piece- suit ang kay Yaya Melody.

"Habang nagwo-workout si Melody at ang mga kapatid niya kasama ang iba pang yaya sa bahay ni PGA (President Glenn Acosta na ginagampanan ni Gabby Concepcion), nakita niya si PGA na nakatingin kay Lorraine. So doon dumating si Lorraine, umeksena si Lorraine, nag-showdown kami, so papayag ba naman si Melody na maagaw si PGA?" masayadang kuwento ni Sanya.

Nag-post si Sanya sa Instagram ng mga larawan nila sa naturang eksena.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Sanya Lopez (@sanyalopez)

 

Sadya raw masaya ang cast ng teleserye sa behind the scene ng kanilang eksena.

"Actually ang pinakama-eksena doon, si ate Kakai Bautista at saka si ate Cai Cortez. Sila 'yung 'O ready na kami!' Sila 'yung laging ready na. Kasi biglaan 'yung eksena, 'yung scene na 'yon," kuwento ni Sanya.

Dahil sa magandang suporta ng viewers sa naturang rom-com series at sa magandang samahang nabuo nila sa set, hiling ni Sanya at ng bumubuo ng series na masundan ng Book 2 ang First Yaya.

"Lahat kami, as in lahat. Artista, directors, crew and staff, lahat. Kasi nga 'yung samahan namin hindi na kami magkakatrabaho lang kundi isang buong pamilya na talaga. Kaya lahat kami... Sana po, ipag-pray natin 'yan, matuloy ang Book 2," sabi ni Sanya. --Jamil Santos/FRJ, GMA News