Ipinakita ng isang aso ang pagmamahal sa kaniyang amo nang habulin niya ang ambulansiyang naghatid sa ospital sa kaniyang among maysakit sa Istanbul, Turkey.

Sa video ng Reuters, sinundo ng ambulansiya ang isang babae para ihatid sa ospital. Pero paglabas pa lang ng kaniyang amo, nakasunod agad ang aso na isang golden retriever at tinangka pa niyang sumakay sa ambulansiya.

ADVERTISEMENT

Pero kahit maisakay na ang babae at isinara na ang pintuan ng ambulansiya, hindi umalis ang aso.

At nang umarangkada na ang ambulansiya, humabol ang aso hanggang sa pagamutan. Makikitang binabantayan pa rin niya ang amo hanggang isakay sa wheelchair at ipasok sa pagamutan.

Pero hindi rin pinayagan ang aso na makapasok sa loob kaya matiyaga siyang naghintay na lang sa labas hanggang sa makapiling muli ang kaniyang amo.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasilayan ang pagmamahal ng aso sa kaniyang amo sa Turkey.

Noong nakaraang Enero, nakita ang asong si Boncuk na matiyagang naghintay sa labas ng isang ospital sa Trabzon, Turkey kung saan isinugod din ang kaniyang amo. --Reuters/FRJ, GMA News