Bukod sa Makati City, mayroon ding insidente sa Mandaluyong ng pagtusok ng COVID-19 vaccine sa isang tao pero hindi naiturok ang mismong gamot. Pero agad din daw naayos ang problema.

Sa ulat ni Lei Alvis sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita na tulad din sa insidente sa Makati, nai-video rin ni Eken Afuan Matsunaga ang pagturok sa kaniya pero hindi napisil ang hiringgilya para mailabas ang gamot.

Paglilinaw naman ni Matsunaga, wala siyang pag-aalinlangan sa vaccination program ng lungsod at hindi rin siya nagreklamo.

Naturukan na rin daw siya matapos niyang ipakita ang video.

ADVERTISEMENT

Walang pang reaksiyon ang Department of Health kaugnay sa panibagong kaso na ito ng pagtusok ng COVID-19 vaccine pero hindi naiturok ang gamot.

Pero ang DOH, nagbigay ng paalala sa mga nagtuturok ng bakuna o mga vaccinator na tiyakin na naibibigay nila ang gamot sa tao.

"Unang-una, kailangan alam po natin kung ano po yung bakuna na ibinigay sa kaniyang individual. Pangalawa makita po natin lahat ng prosesong kailangang gawin ay nagawa. Pangatlo, i-check natin yung hiringgilya pagkatapos," ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kailangan na hindi sobra-sobra sa oras ang duty ng mga vaccination team sa mga vaccination site.

Dapat daw limitahan lang sa walong oras ang duty ng mga health workers at magkaroon palitan ng mga tao para hindi masyadong mapagod nang maiwasan ang mga pagkakamali.

Makabubuti rin umano na magkaroon ng monitoring at supervisor na mag-iikot sa vaccination site.

Sa mga binabakunahan, para matiyak na naibigay sa kanila ang gamot ay maaari naman daw na hilingin na makita ang hiringgilya na ginamit sa kanila. --FRJ, GMA News