Hindi raw ipinaalam ni AJ Raval sa kaniyang ama na si Jeric Raval na ginawa niya ang pelikula na "Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar," na siya ang bida.

Ang naturang sexy-comedy movie ang naglunsad sa baguhang si AJ, kung saan nakasama niya ang mga batikang sexy stars na sina Maui Taylor, Ara Mina, Rossana Roces at Alma Moreno.

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabi ni Jeric, na kilala bilang isang action star, na natuwa siya at suportado niya ang pagpasok sa showbiz ni AJ.

"Noong una natutuwa ako, very supportive naman ako. Kaya lang ang 'di ko lang sinuportahan yung movie niyang ano... 'Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar,'" pag-amin ni Jeric.

ADVERTISEMENT

Hindi na raw talaga ipinaalam ni AJ sa ama ang naturang proyekto dahil alam niyang hindi ito papayag sa tema ng pelikula.

Paliwanag ni Jeric, hindi naman siya nagalit sa anak pero tinanong niya si AJ kung bakit niya ginawa ang naturang proyekto.

Pero ayon kay AJ, nais niyang sundan ang yapak ng ama sa paggawa ng mga action movie.

Nang tanungin kung ano ang maipapayo niya sa anak, sabi ni Jeric, "Lagi kong sinasabi sa kaniya [na] matuto siyang makipag-kapwa-tao doon...mapa-artista, mapa-nasa likod ng camera. Saka lagi kang ontime sa set."

Over protective daw si Jeric kay AJ at makikita ito sa isang Tiktok video ng dalaga na makikitang sinita ng aktor ang sexy dance ng anak.

"Ang bantot ng sayaw," sabi ni Jeric sa pagpuna sa anak.

Napag-alaman din na 18 ang lahat ng anak ni Jeric mula sa anim na babae.

Panoon sa video ng "Tunay Na Buhay" ang panayam kina Jeric at AJ.

--FRJ, GMA News