Ipinakita ng isang lalaki ang kahulugan ng tunay na kaibigan matapos siyang magsakripisyo para makapagtapos sa pag-aaral ang mga anak ng yumao niyang best friend.

Sa programang "On Record," itinampok ang kuwento ni Antonio Entrata Jr. o mas kilala bilang si "Angkol Ton," na tumayong ikalawang magulang ni Jasmine Abby Arguelles-Llacer at ng mga kapatid nito.

Tubong Bacolod si Angkol Ton, pero nagturo siya sa Kalibo, Aklan. Walang asawa at mga anak si Angkol Ton kaya pamilya na rin ang turing niya kina Abby at sa mga kapatid nito.

ADVERTISEMENT

Taong 2011 nang pumanaw ang ama nina Abby, na siyang taon din na nagkolehiyo ang kaniyang mga kuya. Tumigil din sa pagtatrabaho ang kanilang ina at nag-sideline muna.

"'Pag wala, doon pumapasok si Angkol Ton. Morally, financially, emotionally, mentally, very supportive niya po. Lahat, kinover niya lahat," ani Abby.

Sa tulong ni Angkol Ton, nakapagtapos si Abby sa kursong education, at ang dalawa pa niyang kapatid, na naging flight attendant at abogado na ngayon.

Nasa Bacolod na ngayon si Angkol Ton at retirado na sa pagtuturo.

"Noong una akong dumating sa Kalibo, 'yung family nila talaga is the first na naging close ko na family ko. They treated me as a member of the family, that's why in return I also treated them as my children," sabi ni Angkol Ton.

"I really tried, I really struggled para mapunan ang pangangailangan nila na nag-aaral sila. I felt also a fulfillment on that, I'm very happy na nakatulong ako para maganda rin ang kanilang future," dagdag ni Angkol Ton.

Panoorin sa "On Record" ang madamdaming palitan ng mensahe nina Abby at ni Angkol Ton dahil matagal na silang hindi nagkikita. --FRJ, GMA News