Ang dating tagahugas ng pinggan at kaniyang misis na kusinera, naging matagumpay na negosyante sa itinayo nilang lugawan na nag-level-up sa bagnet at milyon daw kinikita bawat buwan.

Sa programang "Pera Paraan," sinabing 2009 nang simulan ni Francis Casimiro at kaniyang misis ang kanilang lugawan na Mang Boy Alfredo Lugawan.

Ayon kay Francis, naisip nilang gumawa ng paraan para mapatatag pa ang kanilang lugawan at sa branding naman tumutok ang kaniyang maybahay.

ADVERTISEMENT

Kaya kung dati ay lugaw lang ang kanilang itinitinda, ngayon ay mayroon na ring iba pang putahe lalo na ang binabalik-balikan na bagnet.

Dahil maka-masa at presyong pang-masa ang kanilang mga pagkain, pumatok at tinangkilik ito ng mga tao.

Ngayon, mayroon na silang siyam na branch at ang bawat isa ay nasa P2 milyon kada buwan daw ang kita.

Kaya matapos nilang maranasan ang mahirap na buhay, ngayon ay nilalasap na nila ang sarap ng tagumpay dahil sa pagsisikap.

Nakapagpatayo na sila ng bahay, nakabili ng mga sasakayan, at magpapagawa rin sila ng resort sa Boracay.

Tunghayan ang buong kuwento at alamin kung papaano magluto ng bagnet sinigang at kare-kare bagnet. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News