Mahigit 8,000 katao sa northern Germany ang inabisuhan na muling magpaturok ng COVID-19 vaccine. Kasunod ito ng isinasagawang imbestigasyon ng pulisya na posibleng pinalitan ng saline solution ang gamot na ibinakuna sa kanila ng isang Red Cross nurse.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nangyari ang insidente sa isang vaccination center sa Friesland noong Marso hanggang Abril, at mga nakatatanda umano ang karamihan ng binakunahan.

ADVERTISEMENT

Bagaman wala namang umanong masamang epekto sa katawan ang saline solution, malalagay naman sa peligro na mahawahan ng COVID-19 ang mga naturukan ng pekeng gamot.

Ayon kay Police investigator Peter Beer, batay sa pahayag ng testigo sa nangyari, mayroon umanong ''reasonable suspicion of danger."

Hindi pa malinaw ang motibo ng nurse na iniimbestigahan pero mayroon umano itong social media post ng pagdududa sa bakuna.

Hindi rin kaagad sinabi kung inaresto o kinasuhan na ang nurse.--FRJ, GMA News