Huwag natin sayangin ang ating talento at talino dahil iyan ay biyaya sa atin ng Diyos (Mateo 25:14-30).

Hindi mo talaga mahuhulaan o masasabi ang magiging kapalaran ng isang tao. Sapagkat ang buhay natin dito sa ibabaw ng mundo ay hindi kadalasan nadadaan sa talino lamang, minsan ay dapat may kasamang diskarte, abilidad o talento.

Kung minsan nga, ang mga magaling dumiskarte ang mas umuunlad ang buhay kumpara sa isang taong matalino. Hindi ba't may mga kaklase tayo noon na hindi naman mahusay sa klase pero mas naging maganda ang buhay niya kaysa kaklaseng laging honor at class president.

Sa ating Mabuting Balita (Mateo 25:14-30), matutunghayan natin ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin na pinagkatiwalaan ng kanilang amo ng salaping ginto bago siya maglakbay sa malayong lugar. (Mt. 25:14)

Bawat isa sa kanila ay binigyan ng amo ng salaping ginto batay sa kanilang kakayahan. Ang isang tauhan ay binigyan ng limanlibong salaping ginto, ang isa ay dalawang libong salaping ginto at ang pangatlo ay nakatanggap ng isanlibong salaping ginto. (Mt. 25:15)

Ang una at ang pangalawang tauhan ay agad na kumilos at ipinangalakal ang natanggap nilang salaping ginto at kumita sila ng doble. Samantalang ang ikatlong tauhan naman ay ibinaon lamang sa lupa ang kaniyang isang libong salaping ginto. (Mt. 25:16-18)

ADVERTISEMENT

Ang dalawang tauhan sa kuwento ay naglalarawan sa mga taong biniyayaan ng Panginoong Diyos ng talino at kakayahan, at ito'y kanilang ginamit. Kaya naman mas lalo pa silang pinagpapala dahil hindi nila sinayang ang talentong ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos.

Habang ang pangatlong tauhan naman ay naglalarawan sa mga taong biniyayaan din ng Diyos ng talino at kakayahan pero sinayang dahil hindi niya ginamit.

Umasa na lamang sa bigay ng iba gayung mayroon naman siyang kakayanan. Maaari ding ipakahulugan na sa maling paraan ginamit ng pangatlong tauhan ang kaniyang abilidad. Sa halip na pagyamin ang natanggap na mga ginto at gamiting pangtulong sa iba, sinarili lamang niya ang mga ito.

At kung hindi umunlad ang buhay ng mga naging makasarili at naging miserable ang kanilang kalagayan, baka ang Diyos pa ang kanilang sisisihin.

Binigyan na tayo ng Diyos ng talino at kakayahan, tayo na dapat ang bahalang magpaunlad at magpayabong sa kakayahang ipinagkatiwala sa atin. Kasabay niyan, dapat naman nating ibahagi sa mga nangangailangan ang biyayang ating natanggap.

Katulad ng ginawa ng dalawang tauhan sa Ebanghelyo. Kaya naman sa pagbabalik ng kanilang amo, lalo pa silang pinagpala at ginawa silang tagapamahala ng malaking halaga. (Mt. 25:19-23)

Hindi sapat ang talino upang maging matagumpay sa buhay at maging mabuting tao. Kailangan din ang diskarte, sipag, at pusong maunawain.

Kaya ang mensahe ng Ebanghelyo sa atin: "Ang mayroon ay bibigyan pa at magkakaroon ng sagana. Ngunit ang wala, pati ang kakaunting nasa kaniya ay kukunin pa." (Mt. 25:29).

Manalangin Tayo: Panginoon, nagpapasalamat po kami sa talinong ipinagkaloob Mo sa amin. Tulungan Mo sana kaming mapaunlad ang aming kakayahan, hindi lamang para sa aming mga sarili kundi  para makatulong din sa aming kapwa. AMEN.

--FRJ, GMA News