Kilala at hinahangaan ng netizens ang visual artist at content creator na si Goldie Yabes dahil sa kaniyang angking talento.  At kamakailan lang, pinag-usapan muli ang kaniyang video dahil sa umano'y kababalaghan na naranasan niya sa Laperal House sa Baguio City.

Sa ulat ni Aubrey Carampel para sa "Brigada," sinabing tubong-Baguio si Goldie kaya ang mga magagandang tanawin at sikat na lugar sa lungsod ang background sa mga ginagawa niyang kakaibang makeup transformation.

Bilang paghahanda sa Undas, nag-advance siya ng Holloween content na ginawa niya sa labas ng Laperal White House, na maraming kuwento ng kababalaghan.

Pero habang nagma-makeup si Goldie, may naramdaman siyang dumaan sa kaniyang likuran pero wala naman siyang nakita.

ADVERTISEMENT

Makikita rin sa video ang pag-angat ng kaniyang buhok na parang may humawak. Ang ibang nagdududa, at naniniwalang hinangin lang ang kaniyang buhok.

Ngunit hindi doon nagtatapos ang lahat. Dahil 'pag-uwi niya, naramdaman na ni Goldie ang hapdi sa kaniyang likuran.

Doon na nakita ni Goldie ang mga tila kalmot sa likod niya na hindi niya alam kung papaano nangyari.

Bukod kay Goldie, mayroon din kuwento ng kababalaghan ang dalawang magkaibigan na minsan tumigil sa Teacher's Village sa Baguio dahil sa programa ng kanilang paaralan.

Ayon kay Timothy Ado, mga junior at senior high school students ang nandoon at wala silang kasamang bata.

Pero sa isa nilang video, may nakunan sila sa camera na isang bata na dire-diretso sa paglakad na parang hindi sila nakikita.

Tunghayan ang buong kuwento at alamin ang obserbasyon ng paranormal investigator na si Ed Caluag at video expert na si Emir Bautista sa nangyari kay Goldie. Panoorin.

--FRJ, GMA News